1 Nagsalita nga si Eliseo sa babae, na ang anak ay kaniyang sinaulian ng buhay, na sinasabi, Ikaw ay bumangon at yumaon ka at ang iyong sangbahayan, at mangibang bayan ka kung saan ka makakapangibang bayan: sapagka't nagtalaga ang Panginoon ng kagutom; at magtatagal naman sa lupain na pitong taon. 2 At ang babae ay bumangon, at ginawa ang ayon sa sinalita ng lalake ng Dios: at siya'y yumaon na kasama ng kaniyang sangbahayan, at nangibang bayan sa lupain ng mga Filisteo na pitong taon. 3 At nangyari, sa katapusan ng ikapitong taon, na ang babae ay bumalik na mula sa lupain ng mga Filisteo: at siya'y lumabas upang dumaing sa hari dahil sa kaniyang bahay at dahil sa kaniyang lupain. 4 Ang hari nga'y nakipagusap kay Giezi na lingkod ng lalake ng Dios, na sinasabi, Isinasamo ko sa iyo, na saysayin mo sa akin ang lahat na mga dakilang bagay na ginawa ni Eliseo. 5 At nangyari, samantalang kaniyang sinasaysay sa hari kung paanong kaniyang isinauli ang buhay niyaon na patay, na narito, ang babae, na ang anak ay kaniyang sinaulian ng buhay, ay dumaing sa hari dahil sa kaniyang bahay at dahil sa kaniyang lupain. At sinabi ni Giezi, Panginoon ko, Oh hari, ito ang babae, at ito ang kaniyang anak na sinaulian ng buhay ni Eliseo. 6 At nang tanungin ng hari ang babae, sinaysay niya sa kaniya. Sa gayo'y hinalalan ng hari siya ng isang pinuno, na sinasabi, Isauli mo ang lahat ng kaniya, at ang lahat ng bunga ng bukid mula nang araw na kaniyang iwan ang lupain, hanggang ngayon.