18 At nang lumaki ang bata ay nangyari, isang araw, nang siya'y umalis na patungo sa kaniyang ama, sa mga manggagapas. 19 At kaniyang sinabi sa kaniyang ama, Ulo ko, ulo ko. At sinabi niya sa kaniyang bataan, Dalhin mo siya sa kaniyang ina. 20 At nang kaniyang makuha siya at dalhin siya sa kaniyang ina, siya'y umupo sa kaniyang tuhod hanggang sa katanghaliang tapat, at nang magkagayo'y namatay. 21 At siya'y pumanhik at inihiga siya sa higaan ng lalake ng Dios, at pinagsarhan niya ng pintuan siya, at lumabas. 22 At kaniyang dinaingan ang kaniyang asawa, at nagsabi, Isinasamo ko sa iyo na iyong suguin sa akin ang isa sa iyong mga bataan, at ang isa sa mga asno, upang aking takbuhin ang lalake ng Dios, at bumalik uli. 23 At kaniyang sinabi, Bakit paroroon ka sa kaniya ngayon? hindi bagong buwan o sabbath man. At kaniyang sinabi, Magiging mabuti. 24 Nang magkagayo'y siniyahan niya ang isang asno, at nagsabi sa kaniyang bataan, Ikaw ay magpatakbo, at magpatuloy; huwag mong pahinain ang pagpapatakbo sa akin, malibang sabihin ko sa iyo.
25 Sa gayo'y yumaon siya at naparoon sa lalake ng Dios sa bundok ng Carmelo. At nangyari, nang makita siya ng lalake ng Dios sa malayo, na kaniyang sinabi kay Giezi na kaniyang lingkod, Narito, nandoon ang Sunamita: 26 Tumakbo ka, isinasamo ko sa iyo ngayon, na salubungin siya, at iyong sabihin sa kaniya, Mabuti ka ba? mabuti ba ang iyong asawa? mabuti ba ang bata? At siya'y sumagot, Mabuti. 27 At nang siya'y dumating sa lalake ng Dios sa burol, siya'y humawak sa kaniyang mga paa. At lumapit si Giezi upang ihiwalay siya; nguni't sinabi ng lalake ng Dios: Bayaan siya; sapagka't siya'y namamanglaw; at inilihim ng Panginoon sa akin, at hindi isinaysay sa akin. 28 Nang magkagayo'y sinabi niya, Ako ba'y humiling ng isang anak sa aking panginoon? di ba sinabi ko, Huwag mo akong dayain? 29 Nang magkagayo'y sinabi niya kay Giezi, Bigkisan mo ang iyong mga balakang, at tangnan mo ang aking tungkod sa iyong kamay, at yumaon ka ng iyong lakad: kung ikaw ay makasasalubong ng sinomang tao, huwag mo siyang batiin; at kung ang sinoman ay bumati sa iyo, huwag mo siyang sagutin: at ipatong mo ang aking tungkod sa mukha ng bata. 30 At sinabi ng ina ng bata, Buhay ang Panginoon, at buhay ang iyong kaluluwa, hindi kita iiwan. At siya'y tumindig, at sumunod sa kaniya. 31 At si Giezi ay nagpauna sa kanila, at ipinatong ang tungkod sa mukha ng bata; nguni't wala kahit tinig, o pakinig man. Kaya't siya'y bumalik na sinalubong siya, at nagsaysay sa kaniya, na nagsabi, Ang bata'y hindi magising.
32 At nang si Eliseo ay dumating sa bahay, narito, ang bata'y patay, at nakahiga sa kaniyang higaan. 33 Siya'y pumasok nga at sinarhan ang pintuan sa kanilang dalawa, at dumalangin sa Panginoon. 34 At siya'y sumampa, at dumapa sa ibabaw ng bata, at idinikit ang kaniyang bibig sa bibig niya, at ang kaniyang mga mata sa mga mata niya, at ang kaniyang mga kamay sa mga kamay niya: at siya'y dumapa sa kaniya; at ang laman ng bata ay uminit. 35 Nang magkagayo'y bumalik siya, at lumakad sa bahay na paroo't parito na minsan; at sumampa, at dumapa sa ibabaw niya: at ang bata'y nagbahing makapito, at idinilat ng bata ang kaniyang mga mata. 36 At tinawag niya si Giezi, at sinabi, Tawagin mo ang Sunamitang ito. Sa gayo'y tinawag niya siya. At nang siya'y pumaroon sa kaniya, sinabi niya, Kalungin mo ang iyong anak. 37 Nang magkagayo'y pumasok siya at nagpatirapa sa kaniyang mga paa, at yumukod sa lupa; at kinalong niya ang kaniyang anak, at umalis.