13 At ang sugo na yumaong tumawag kay Micheas ay nagsalita sa kaniya, na nagsasabi, Narito ngayon, ang mga salita ng mga propeta ay mabuti sa hari na magkakaisa: isinasamo ko sa iyo na ang iyong bibig ay maging gaya ng isa sa kanila, at magsalita ka ng mabuti. 14 At sinabi ni Micheas, Buhay ang Panginoon kung ano ang sabihin ng Panginoon sa akin, yaon ang aking sasalitain. 15 At nang siya'y dumating sa hari, sinabi ng hari sa kaniya, Micheas, paroroon ba kami sa Ramoth-galaad upang bumaka, o uurong kami? At kaniyang isinagot sa kaniya, Ikaw ay yumaon, at guminhawa; at ibibigay ng Panginoon yaon sa kamay ng hari. 16 At sinabi ng hari sa kaniya, Makailang manunumpa ako sa iyo, na ikaw ay huwag magsalita ng anoman sa akin, kundi ng katotohanan sa pangalan ng Panginoon? 17 At kaniyang sinabi, Aking nakita ang buong Israel na nangangalat sa mga bundok, na gaya ng mga tupa na walang pastor: at sinabi ng Panginoon, Ang mga ito ay walang panginoon; umuwi ang bawa't lalake sa kaniyang bahay na payapa. 18 At sinabi ng hari sa Israel kay Josaphat, Di ba isinaysay ko sa iyo na siya'y hindi manghuhula ng mabuti tungkol sa akin, kundi ng kasamaan? 19 At sinabi ni Micheas, Kaya't iyong dinggin ang salita ng Panginoon: Aking nakita ang Panginoon na nakaupo sa kaniyang luklukan, at ang buong hukbo ng langit ay nakatayo sa siping niya sa kaniyang kanan at sa kaniyang kaliwa. 20 At sinabi ng Panginoon, Sinong dadaya kay Achab, upang siya'y umahon at mabuwal sa Ramoth-galaad? At ang isa'y nagsalita ng ganitong paraan; at ang iba'y nagsalita ng gayong paraan. 21 At lumabas ang isang espiritu at tumayo sa harap ng Panginoon, at nagsabi, Aking dadayain siya. 22 At sinabi ng Panginoon sa kaniya, Paano? At kaniyang sinabi, Ako'y lalabas, at magiging magdarayang espiritu sa bibig ng lahat niyang mga propeta. At kaniyang sinabi, Iyong dadayain siya, at mananaig ka rin: lumabas ka, at gawin mong gayon. 23 Ngayon nga, narito, inilagay ng Panginoon ang magdarayang espiritu sa bibig ng lahat ng iyong mga propetang ito: at ang Panginoon ay nagsalita ng kasamaan tungkol sa iyo.
24 Nang magkagayo'y lumapit si Sedechias na anak ni Chanaana, at sinampal si Micheas, at sinabi, Saan nagdaan ang Espiritu ng Panginoon na mula sa akin, upang magsalita sa iyo? 25 At sinabi ni Micheas, Narito, iyong makikita sa araw na yaon pagka ikaw ay papasok sa pinakaloob na silid upang magkubli. 26 At sinabi ng hari sa Israel, Kunin mo si Micheas, at ibalik mo kay Amon na tagapamahala ng bayan, at kay Joas na anak ng hari; 27 At iyong sabihin, Ganito ang sabi ng hari, Ilagay ninyo ang taong ito sa bilangguan, at pakanin ninyo siya ng tinapay ng kadalamhatian at ng tubig ng kadalamhatian hanggang sa ako'y dumating na payapa. 28 At sinabi ni Micheas, Kung ikaw ay bumalik sa anomang paraan na payapa, ang Panginoon ay hindi nagsalita sa pamamagitan ko. At kaniyang sinabi, Dinggin ninyo, ninyong mga bayan, ninyong lahat.