25 At si Nadab na anak ni Jeroboam ay nagpasimulang maghari sa Israel sa ikalawang taon ni Asa na hari sa Juda, at siya'y naghari sa Israel na dalawang taon. 26 At siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, at lumakad ng lakad ng kaniyang ama, at sa kaniyang kasalanan na kaniyang ipinapagkasala sa Israel.
27 At si Baasa na anak ni Ahia, sa sangbahayan ni Issachar ay nagbanta laban sa kaniya; at sinaktan siya ni Baasa sa Gibbethon, na nauukol sa mga Filisteo; sapagka't kinukulong ni Nadab at ng buong Israel ang Gibbethon. 28 Nang ikatlong taon nga ni Asa na hari sa Juda, ay pinatay siya ni Baasa, at naghari na kahalili niya. 29 At nangyari, na pagkapaging hari niya, sinaktan niya ang buong sangbahayan ni Jeroboam, hindi siya nag-iwan kay Jeroboam ng sinomang may hininga, hanggang sa kaniyang nilipol siya, ayon sa sabi ng Panginoon na kaniyang sinalita sa pamamagitan ng kaniyang lingkod na si Ahias na Silonita: 30 Dahil sa mga kasalanan ni Jeroboam na kaniyang ipinagkasala, at kaniyang ipinapagkasala sa Israel; dahil sa kaniyang pamumungkahi na kaniyang iminungkahing galit sa Panginoon, sa Dios ng Israel.
31 Ang iba nga sa mga gawa ni Nadab, at ang lahat niyang ginawa, di ba nasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Israel? 32 At nagkaroon ng pagdidigmaan si Asa at si Baasa na hari sa Israel sa lahat ng kanilang kaarawan.