25 Nang magkagayo'y itinayo ni Jeroboam ang Sichem sa lupaing maburol ng Ephraim, at tumahan doon; at siya'y umalis mula roon, at itinayo ang Penuel. 26 At sinabi ni Jeroboam sa kaniyang sarili, Ngayo'y mababalik ang kaharian sa sangbahayan ni David: 27 Kung ang bayang ito ay umahon upang maghandog ng mga hain sa bahay ng Panginoon sa Jerusalem, ang puso nga ng bayang ito'y mababalik sa kanilang panginoon, sa makatuwid baga'y kay Roboam na hari sa Juda; at ako'y papatayin nila, at mababalik kay Roboam na hari sa Juda. 28 Kaya't ang hari ay kumuhang payo, at gumawa ng dalawang guyang ginto; at sinabi niya sa kanila, Mahirap sa inyo na magsiahon sa Jerusalem; tingnan mo ang iyong mga dios, Oh Israel, na iniahon ka mula sa lupain ng Egipto. 29 At inilagay niya ang isa sa Bethel, at ang isa'y inilagay sa Dan. 30 At ang bagay na ito ay naging kasalanan: sapagka't ang bayan ay umahon upang sumamba sa harap ng isa, hanggang sa Dan. 31 At siya'y gumawa ng mga bahay sa mga mataas na dako, at naghalal ng mga saserdote sa buong bayan, na hindi sa mga anak ni Levi. 32 At si Jeroboam ay nagpadaos ng isang kapistahan nang ikawalong buwan, sa ikalabing limang araw ng buwan, gaya ng kapistahan sa Juda, at siya'y sumampa sa dambana; gayon ang ginawa niya sa Beth-el, na kaniyang hinahainan ang mga guya na kaniyang ginawa: at kaniyang inilagay sa Beth-el ang mga saserdote sa mataas na dako, na kaniyang mga inihalal. 33 At siya'y sumampa sa dambana na kaniyang ginawa sa Beth-el nang ikalabing limang araw ng ikawalong buwan, sa makatuwid baga'y sa buwan na kaniyang inakala sa kaniyang puso: at kaniyang ipinadaos ang isang kapistahan sa mga anak ni Israel, at sumampa sa dambana upang magsunog ng kamangyan.