14 Ang timbang nga ng ginto na dumating kay Salomon sa isang taon ay anim na raan at anim na pu't anim na talentong ginto, 15 Bukod doon sa dinala ng mga naglalako, at sa kalakal ng mga mangangalakal, at sa lahat na hari ng halohalong bayan, at sa mga gobernador sa lupain. 16 At ang haring Salomon ay gumawa ng dalawang daang kalasag na pinukpok na ginto: anim na raang siklong ginto ang ginamit sa bawa't kalasag. 17 At siya'y gumawa ng tatlong daang ibang kalasag na pinukpok na ginto: tatlong librang ginto ang ginamit sa bawa't kalasag: at ipinaglalagay ng hari sa bahay na kahoy sa gubat ng Libano. 18 Bukod dito'y gumawa ang hari ng isang malaking luklukang garing, at binalot ng gintong pinakamainam. 19 May anim na baytang sa luklukan, at ang pinakalangit ng luklukan ay mabilog sa likuran: at may mga pinakakamay sa bawa't tagiliran sa siping ng dako ng upuan, at dalawang leon ang nakatayo sa siping ng mga pinakakamay. 20 At labing dalawang leon ang nakatayo roon sa isang dako at sa kabilang dako sa ibabaw ng anim na baytang: walang nagawang gayon sa alinmang kaharian. 21 At ang lahat na sisidlang inuman ng haring Salomon ay ginto, at ang lahat na sisidlan sa bahay na kahoy sa gubat ng Libano ay taganas na ginto: walang pilak; hindi mahalaga ito sa mga kaarawan ni Salomon. 22 Sapagka't ang hari ay mayroon sa dagat ng mga sasakyan na yari sa Tharsis na kasama ng mga sasakyang dagat ni Hiram: minsan sa bawa't tatlong taon ay nanggagaling ang mga sasakyang dagat na yari sa Tharsis, na nagdadala ng ginto, at pilak, at garing, at mga unggoy, at mga pabo real.
23 Sa gayo'y ang haring Salomon ay humigit sa lahat ng mga hari sa lupa sa kayamanan at sa karunungan. 24 At hinanap ng buong lupa ang harapan ni Salomon, upang makinig ng kaniyang karunungan, na inilagay ng Dios sa kaniyang puso. 25 At sila'y nagsipagdala bawa't isa ng kanikaniyang kaloob, na mga sisidlang pilak, at mga sisidlang ginto, at damit, at sandata, at mga espesia, mga kabayo, at mga mula, na sanggayon taontaon.
26 At pinisan ni Salomon ang mga karo, at ang mga mangangabayo: at siya'y may isang libo't apat na raang karo, at labing dalawang libong mangangabayo, na kaniyang inilagay sa mga bayan ng mga karo, at kasama ng hari sa Jerusalem. 27 At ginawa ng hari na maging gaya ng mga bato ang pilak sa Jerusalem, at ang mga sedro, ay ginawa niyang maging gaya ng mga puno ng sikomoro na nasa mababang lupa dahil sa kasaganaan. 28 At ang mga kabayo na tinatangkilik ni Salomon ay inilabas sa Egipto: at ang mga mangangalakal ng hari ay nagsitanggap ng kawan ng mga yaon, bawa't kawan ay sa halaga. 29 At kanilang isinasampa at inilalabas sa Egipto ang isang karo sa halagang anim na raang siklong pilak, at ang isang kabayo, ay sa isang daan at limangpu: at gayon sa lahat ng mga hari sa mga Hetheo, at sa mga hari sa Siria ay kanilang inilabas sa pamamagitan nila.