12 Nang magkagayo'y nagsalita si Salomon, Ang Panginoo'y nagsabi na siya'y tatahan sa salimuot na kadiliman. 13 Tunay na ipinagtayo kita ng isang bahay na tahanan, ng isang dako upang iyong tahanan magpakailan man. 14 At ipinihit ng hari ang kaniyang mukha, at binasbasan ang buong kapisanan ng Israel: at ang buong kapisanan ng Israel ay tumayo. 15 At kaniyang sinabi, Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, na nagsalita ng kaniyang bibig kay David na aking ama, at tinupad ng kaniyang kamay, na sinasabi, 16 Mula nang araw na aking ilabas ang aking bayang Israel sa Egipto, hindi ako pumili ng bayan sa lahat ng mga lipi ng Israel upang magtayo ng bahay, upang ang aking pangalan ay dumoon; nguni't aking pinili si David upang maging pangulo sa aking bayang Israel. 17 Nasa puso nga ni David na aking ama ang ipagtayo ng isang bahay ang pangalan ng Panginoon, ang Dios ng Israel. 18 Nguni't sinabi ng Panginoon kay David na aking ama, Sa paraang nasa iyong puso ang ipagtayo ng isang bahay ang aking pangalan, mabuti ang iyong ginawa na inakala mo sa iyong puso; 19 Gayon ma'y hindi mo itatayo ang bahay; kundi ang iyong anak na lalabas sa iyong mga balakang, siyang magtatayo ng bahay na ukol sa aking pangalan. 20 At pinagtibay ng Panginoon ang kaniyang salita na kaniyang sinalita: sapagka't ako'y bumangon na kahalili ni David na aking ama, at nakaupo sa luklukan ng Israel, gaya ng ipinangako ng Panginoon, at nagtayo ako ng bahay na ukol sa pangalan ng Panginoon, ng Dios ng Israel. 21 At doo'y aking ipinaghanda ng isang dako ang kaban, na kinaroroonan ng tipan ng Panginoon na kaniyang ginawa sa ating mga magulang, nang kaniyang ilabas sila sa lupain ng Egipto.