13 At nagsugo ang haring Salomon, at ipinasundo si Hiram sa Tiro. 14 Siya'y anak ng isang babaing bao sa lipi ni Nephtali, at ang kaniyang ama ay lalaking taga Tiro, na manggagawa sa tanso; at siya'y puspos ng karunungan, at katalinuhan, at kabihasahan, upang gumawa ng lahat na gawain sa tanso. At siya'y naparoon sa haring Salomon, at ginawa ang lahat niyang gawain.
15 Sapagka't kaniyang tinabas ang dalawang haligi na tanso, na may labing walong siko ang taas ng bawa't isa: at isang panukat na pisi na may labing dalawang siko ay maipalilibid sa bilog ng alinman sa bawa't isa. 16 At siya'y gumawa ng dalawang kapitel na binubong tanso, upang ilagay sa mga dulo ng mga haligi: ang taas ng isang kapitel ay limang siko at ang taas ng kabilang kapitel ay limang siko. 17 May mga yaring nilambat, at mga tirintas na yaring tinanikala, na ukol sa mga kapitel na nasa dulo ng mga haligi; pito sa isang kapitel, at pito sa kabilang kapitel. 18 Gayon ginawa niya ang mga haligi: at mayroong dalawang hanay sa palibot ng isang yaring lambat, upang takpan ang mga kapitel na nasa dulo ng mga haligi; at gayon ang ginawa niya sa kabilang kapitel. 19 At ang mga kapitel na nasa dulo ng mga haligi sa portiko ay mga yaring lila, na apat na siko. 20 At may mga kapitel naman sa dulo ng dalawang haligi, na malapit sa pinakatiyan na nasa siping ng yaring lambat: at ang mga granada ay dalawang daan, na nahahanay sa palibot sa ikalawang kapitel. 21 At kaniyang itinayo ang mga haligi sa portiko ng templo: at kaniyang itinayo ang kanang haligi, at pinanganlang Jachin: at kaniyang itinayo ang kaliwang haligi, at pinanganlang Boaz. 22 At sa dulo ng mga haligi ay may yaring lila: sa gayo'y ang gawain sa mga haligi ay nayari.
23 At kaniyang ginawa ang binubong dagatdagatan na may sangpung siko mula sa labi't labi, na lubos na mabilog, at ang taas ay limang siko: at isang panukat na pisi na may tatlong pung siko ang maipalilibid sa palibot. 24 At sa ilalim ng labi sa paligid ay may mga kulukuti sa palibot, na sangpu sa bawa't siko, na nakalibid sa dagatdagatan sa palibot: ang mga kulukuti ay dalawang hanay, na binubo ng bubuin ang binubong dagatdagatan. 25 Nakapatong ang dagatdagatan sa labing dalawang baka, ang tatlo'y nakaharap sa dakong hilagaan, ang tatlo'y nakaharap sa dakong kalunuran, ang tatlo'y nakaharap sa dakong timugan, at ang tatlo'y nakaharap sa dakong silanganan; at ang dagatdagatan ay napapatong sa mga yaon, at ang lahat na puwitan ng mga yaon ay nasa loob. 26 At ang kapal ng dagatdagatan ay isang dangkal; at ang labi niyaon ay yaring gaya ng labi ng isang tasa, gaya ng bulaklak na lila: naglalaman ng dalawang libong bath.
27 At siya'y gumawa ng sangpung patungang tanso: apat na siko ang haba ng bawa't isa at apat na siko ang luwang, at tatlong siko ang taas. 28 At ang pagkayari ng mga patungan ay ganitong paraan: may mga gilid na takip sa pagitan ng mga sugpong: 29 At sa mga gilid na takip na nasa pagitan ng mga sugpong ay may mga leon, mga baka, at mga querubin; at sa itaas ng mga sugpong ay may tungtungan sa ibabaw; at sa ibaba ng mga leon, at mga baka, ay may mga tirintas na nangagbitin. 30 At bawa't patungan ay may apat na gulong na tanso, at mga ejeng tanso: at ang apat na paa niyao'y may mga lapatan: sa ilalim ng hugasan ay may mga lapatan na binubo, na may mga tirintas sa siping ng bawa't isa. 31 At ang bunganga niyaong nasa loob ng kapitel, at ang taas ay may isang siko: at ang bunganga niyao'y mabilog ayon sa pagkayari ng tungtungan, na may isang siko't kalahati: at sa bunganga naman niyao'y may mga ukit, at ang mga gilid ng mga yaon ay parisukat, hindi mabilog. 32 At ang apat na gulong ay nasa ibaba ng mga gilid; at ang mga eje ng mga gulong ay nasa patungan: at ang taas ng bawa't gulong ay isang siko at kalahati. 33 At ang pagkagawa ng mga gulong ay gaya ng pagkagawa ng mga gulong ng karo: ang mga eje ng mga yaon, at ang mga Ilanta ng mga yaon, at ang mga rayos ng mga yaon at ang mga boha niyaon ay pawang binubo. 34 At may apat na lapatan sa apat na panulok ng bawa't patungan: ang mga lapatan ay kaputol ng patungan. 35 At sa ibabaw ng patungan ay may isang nakababakod na mabilog na may kalahating siko ang taas: at sa ibabaw ng patunga'y nandoon ang mga panghawak, at ang mga gilid ay kaputol niyaon. 36 At sa mga lamina ng mga panghawak niyaon at sa mga gilid niyaon, ay kaniyang inukitan ng mga querubin, mga leon, at mga puno ng palma ayon sa pagitan ng bawa't isa, na may mga tirintas sa palibot. 37 Ayon sa paraang ito ay kaniyang ginawa ang sangpung patungan: lahat ng yaon ay iisa ang pagkabubo, iisa ang sukat, at iisa ang anyo.
38 At siya'y gumawa ng sangpung hugasang tanso: isang hugasan ay naglalaman ng apat na pung bath: at bawa't hugasan ay may apat na siko: at sa bawa't isa sa sangpung patungan ay isang hugasan. 39 At kaniyang inilagay ang mga patungan, lima sa kanang tagiliran ng bahay, at lima sa kaliwang tagiliran ng bahay: at kaniyang inilagay ang dagatdagatan sa tagilirang kanan ng bahay sa dakong silanganan, na dakong timugan.
40 At ginawa ni Hiram ang mga hugasan, at ang mga pala, at ang mga mangkok. Gayon tinapos gawin ni Hiram ang lahat na gawa na kaniyang ginawa sa haring Salomon, sa bahay ng Panginoon: 41 Ang dalawang haligi, at ang dalawang kabilugan sa paligid ng mga kapitel na nasa dulo ng mga haligi; at ang dalawang yaring lambat na nakaligid sa dalawang kabilugan ng mga kapitel na nasa dulo ng mga haligi; 42 At ang apat na raang granada sa dalawang yaring lambat; ang dalawang hanay na granada sa bawa't yaring lambat, upang makaligid sa dalawang kabilugan ng mga kapitel na nasa dulo ng mga haligi; 43 At ang sangpung patungan, at ang sangpung hugasan sa ibabaw ng mga patungan; 44 At ang isang dagatdagatan, at ang labing dalawang baka sa ilalim ng dagatdagatan;
45 At ang mga palyok, at ang mga pala, at ang mga mangkok: sa makatuwid baga'y lahat ng kasangkapang ito na ginawa ni Hiram sa haring Salomon, sa bahay ng Panginoon, ay pawang tansong binuli. 46 Sa kapatagan ng Jordan binubo ng hari, sa malagkit na lupa na nasa pagitan ng Succoth at ng Sarthan. 47 At lahat na kasangkapan ay hindi tinimbang ni Salomon, sapagka't totoong napakarami: ang timbang ng tanso ay hindi makukuro.
48 At ginawa ni Salomon ang lahat na kasangkapan na nasa bahay ng Panginoon: ang ginintong dambana, at ang dulang na gininto na kinaroroonan ng tinapay na handog; 49 At ang mga kandelero na taganas na ginto na lima sa dakong kanan, at lima sa kaliwa sa harap ng sanggunian; at ang mga bulaklak, at ang mga ilawan, at mga pangipit na ginto; 50 At ang mga saro, at ang mga panggupit ng micha, at ang mga mangkok, at ang mga panandok, at ang mga suuban, na taganas na ginto; at ang mga pihitang ginto maging ang sa mga pinto ng bahay sa loob, na kabanalbanalang dako, at ang sa mga pinto ng bahay, sa makatuwid baga'y ng templo.
51 Ganito nayari ang buong gawa ng haring Salomon na ginawa sa bahay ng Panginoon. At ipinasok ni Salomon ang mga bagay na itinalaga ni David na kaniyang ama, ang pilak at ang ginto, at ang mga kasangkapan, at ipinasok sa mga silid ng kayamanan ng bahay ng Panginoon.