16 Nang magkagayo'y naparoon sa hari ang dalawang babae na mga patutot, at nagsitayo sa harap niya. 17 At sinabi ng isang babae, Oh panginoon ko, ako at ang babaing ito ay tumatahan sa isang bahay; at ako'y nanganak ng isang batang lalake sa bahay na kasama ko siya. 18 At nangyari, nang ikatlong araw pagkatapos na ako'y makapanganak, na ang babaing ito'y nanganak naman; at kami ay magkasama; walang iba sa amin sa bahay, liban sa kaming dalawa sa bahay. 19 At ang anak ng babaing ito ay namatay sa kinagabihan; sapagka't kaniyang nahigan. 20 At siya'y bumangon sa hating gabi, at kinuha niya ang anak kong lalake sa siping ko, samantalang ang iyong lingkod ay natutulog, at inihiga niya sa kaniyang sinapupunan, at inilagay ang kaniyang patay na anak sa aking sinapupunan. 21 At nang ako'y bumangon sa kinaumagahan upang aking pasusuhin ang aking anak, narito, siya'y patay: nguni't nang aking kilalanin ng kinaumagahan, narito, hindi ang aking anak na aking ipinanganak. 22 At sinabi ng isang babae, Hindi; kundi ang buhay ay aking anak at ang patay ay iyong anak. At sinabi ng isa: Hindi; kundi ang patay ay ang iyong anak, at ang buhay ay siyang aking anak. Ganito sila nangagsalita sa harap ng hari.
23 Nang magkagayo'y sinabi ng hari, Ang isa'y nagsasabi, Ang aking anak ay ang buhay, at ang iyong anak ay ang patay: at ang isa'y nagsasabi, Hindi; kundi ang iyong anak ay ang patay, at ang aking anak ay ang buhay. 24 At sinabi ng hari, Dalhan ninyo ako ng isang tabak. At sila'y nagdala ng isang tabak sa harap ng hari. 25 At sinabi ng hari, Hatiin ng dalawa ang buhay na bata, at ibigay ang kalahati sa isa at ang kalahati ay sa isa. 26 Nang magkagayo'y nagsalita ang babae na ina ng buhay na bata sa hari, sapagka't ang kaniyang pagmamahal ay nagniningas sa kaniyang anak, at sinabi niya, Oh panginoon ko, ibigay mo sa kaniya ang buhay na bata, at sa anomang paraa'y huwag mong patayin. Nguni't ang sabi ng isa, Hindi magiging akin ni iyo man; hatiin siya. 27 Nang magkagayo'y sumagot ang hari at nagsabi, ibigay sa kaniya ang buhay na bata, at sa anomang paraa'y huwag patayin: siya ang ina niya. 28 At nabalitaan ng buong Israel ang kahatulan na inihatol ng hari; at sila'y nangatakot sa hari: sapagka't kanilang nakita na ang karunungan ng Dios ay nasa kaniya, upang gumawa ng kahatulan.