28 Nang magkagayo'y sumagot ang haring si David, at nagsabi, Tawagin ninyo sa akin si Bath-sheba. At siya'y pumasok sa harap ng hari, at tumayo sa harap ng hari. 29 At sumumpa ang hari, at nagsabi, Buhay ang Panginoon, na tumubos ng aking kaluluwa sa lahat ng karalitaan, 30 Katotohanang kung paanong sumumpa ako sa iyo sa pangalan ng Panginoon, na Dios ng Israel, na sinasabi, Tunay na si Salomon na iyong anak ay maghahari pagkamatay ko, at siya'y uupo sa aking luklukan na kahalili ko; katotohanang gayon ang aking gagawin sa araw na ito. 31 Nang magkagayo'y iniyukod ni Bath-sheba ang kaniyang mukha sa lupa, at nagbigay galang sa hari, at nagsabi, Mabuhay ang aking panginoon na haring si David magpakailan man.
32 At sinabi ng haring si David, Tawagin ninyo sa akin si Sadoc na saserdote, at si Nathan na propeta, at si Benaia na anak ni Joiada. At sila'y pumasok sa harap ng hari. 33 At sinabi ng hari sa kanila, Ipagsama ninyo ang mga lingkod ng inyong panginoon, at pasakayin ninyo ang aking anak na si Salomon sa aking sariling mula, at ilusong ninyo siya sa Gihon. 34 At pahiran siya ng langis doon ni Sadoc na saserdote at ni Nathan na propeta na maging hari sa Israel: at kayo'y magsihihip ng pakakak, at magsipagsabi, Mabuhay ang haring si Salomon. 35 Kung magkagayo'y magsisiahon kayong kasunod niya, at siya'y paririto, at uupo sa aking luklukan: sapagka't siya'y magiging hari, na kahalili ko: at inihalal ko siyang maging prinsipe sa Israel at sa Juda. 36 At si Benaia na anak ni Joiada ay sumagot sa hari, at nagsabi, Siya nawa: ang Panginoon, ang Dios ng aking panginoon na hari ay magsabi nawa ng ganyan din. 37 Kung paanong ang Panginoon ay sumaaking panginoon na hari ay gayon suma kay Salomon at gawin nawa ang kaniyang luklukang lalong dakila kay sa luklukan ng aking panginoong haring si David.
38 Sa gayo'y si Sadoc na saserdote at si Nathan na propeta, at si Benaia na anak ni Joiada, at ang mga Ceretheo, at ang mga Peletheo ay nagsibaba, at pinasakay si Salomon sa mula ng haring si David, at dinala sa Gihon. 39 At kinuha ni Sadoc na saserdote ang sisidlang sungay ng langis mula sa Tolda, at pinahiran ng langis si Salomon. At sila'y humihip ng pakakak; at ang buong bayan ay nagsabi, Mabuhay ang haring si Salomon. 40 At ang buong bayan ay nagsiahong kasunod niya, at ang bayan ay humihip ng mga plauta, at nangagalak ng malaking pagkagalak, anopa't ang lupa ay umalingawngaw sa hugong nila.
41 At narinig ni Adonia at ng buong inanyayahan na nasa kaniya pagkatapos nilang makakain. At nang marinig ni Joab ang tunog ng pakakak, ay kaniyang sinabi, Anong dahil nitong hugong sa bayan na kaingay? 42 Samantalang siya'y nagsasalita pa, narito, si Jonathan na anak ni Abiathar na saserdote ay dumating at si Adonia ay nagsabi, Pumasok ka; sapagka't ikaw ay karapatdapat na tao, at nagdadala ka ng mabubuting balita. 43 At si Jonathan ay sumagot, at nagsabi kay Adonia, Katotohanang ginawang hari si Salomon ng ating panginoong haring si David: 44 At sinugo ng hari na kasama niya si Sadoc na saserdote, at si Nathan na propeta, at si Benaia na anak ni Joiada, at ang mga Ceretheo at ang mga Peletheo at pinasakay nila siya sa mula ng hari: 45 At siya'y pinapaging hari na pinahiran ng langis ni Sadoc na saserdote at ni Nathan na propeta sa Gihon: at sila'y nagsiahong galak mula roon, na anopa't ang bayan ay umalingawngaw uli. Ito ang hugong na iyong narinig. 46 At si Salomon naman ay nauupo sa luklukan ng kaharian. 47 At bukod dito'y ang mga lingkod ng hari ay nagsiparoon upang purihin ang ating panginoong haring si David, na nagsisipagsabi, Gawin nawa ng iyong Dios ang pangalan ni Salomon na lalong maigi kay sa iyong pangalan, at gawin ang kaniyang luklukan na lalong dakila kay sa iyong luklukan; at ang hari ay yumukod sa kaniyang higaan. 48 At ganito pa ang sinabi ng hari, Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, na siyang nagbigay sa akin ng isa na makakaupo sa aking luklukan sa araw na ito, na nakita ng aking mga mata.
49 At ang lahat na inanyayahan ni Adonia ay nangatakot at nagsitindig, at yumaon bawa't isa sa kaniyang lakad. 50 At natakot si Adonia dahil kay Salomon: at siya'y tumindig at yumaon, at pumigil sa mga anyong sungay ng dambana. 51 At nasaysay kay Salomon na sinasabi, Narito, si Adonia ay natatakot sa haring Salomon: sapagka't, narito, siya'y pumigil sa mga anyong sungay ng dambana, na nagsasabi, Isumpa ng haring Salomon sa akin sa araw na ito, na hindi niya papatayin ng tabak ang kaniyang lingkod. 52 At sinabi ni Salomon, Kung siya'y pakikilalang karapatdapat na tao, ay walang malalaglag na isang buhok sa kaniya sa lupa; nguni't kung kasamaan ang masumpungan sa kaniya siya'y mamamatay. 53 Sa gayo'y nagsugo ang haring Salomon, at kanilang ibinaba siya mula sa dambana. At siya'y naparoon at nagbigay galang sa haring Salomon; at sinabi ni Salomon sa kaniya, Umuwi ka sa iyong bahay.