10 At ang puso ni David ay sinaktan niya pagkatapos na kaniyang nabilang ang bayan. At sinabi ni David sa Panginoon, Ako'y nagkasala ng malaki sa aking nagawa: nguni't ngayo'y isinasamo ko sa iyo na iyong pawiin ang kasamaan ng iyong lingkod; sapagka't aking ginawa ng buong kamangmangan. 11 At nang bumangon si David sa kinaumagahan, ang salita ng Panginoon ay dumating sa propeta Gad na tagakita ni David, na sinasabi, 12 Ikaw ay yumaon at salitain mo kay David, Ganito ang sabi ng Panginoon, Pinagpapalagayan kita ng tatlong bagay; pumili ka ng isa sa mga yaon upang aking magawa sa iyo. 13 Sa gayo'y naparoon si Gad kay David, at nagsaysay sa kaniya: at nagsabi sa kaniya, Darating ba sa iyo ang pitong taon na kagutom sa iyong lupain? o tatakas ka bang tatlong buwan sa harap ng iyong mga kaaway samantalang hinahabol ka nila? o magkakaroon ba ng tatlong araw na pagkasalot sa iyong lupain? ngayo'y muniin mo, at dilidilihin mo kung anong kasagutan ang aking ibabalik doon sa nagsugo sa akin. 14 At sinabi ni David kay Gad, Ako'y nasa totoong kagipitan: mahulog tayo ngayon sa kamay ng Panginoon; sapagka't ang kaniyang mga kaawaan ay dakila: at huwag akong mahulog sa kamay ng tao.
15 Sa gayo'y nagsugo ang Panginoon ng salot sa Israel mula sa umaga hanggang sa takdang panahon: at namatay sa bayan mula sa Dan hanggang sa Beer-seba ay pitong pung libong lalake. 16 At nang iunat ng anghel ang kaniyang kamay sa dakong Jerusalem upang gibain ay nagsisi ang Panginoon sa kasamaan, at sinabi sa anghel na lumipol ng bayan, Siya na; ngayo'y itigil mo ang iyong kamay. At ang anghel ng Panginoon ay nasa giikan ni Arauna na Jebuseo. 17 At nagsalita si David sa Panginoon, nang kaniyang makita ang anghel na sumakit sa bayan, at nagsabi, Narito, ako'y nagkasala, at ako'y gumawa ng kalikuan; nguni't ang mga tupang ito, ano ang ginawa? isinasamo ko sa iyo na ang iyong kamay ay maging laban sa akin, at laban sa sangbahayan ng aking ama.