1 Nang magkagayo'y naparoon si David sa Nob kay Ahimelech na saserdote: at sinalubong si David ni Ahimelech na nanginginig, at sinabi sa kaniya, Bakit ka nagiisa, at walang taong kasama ka? 2 At si David ay nagsabi kay Ahimelech na saserdote, Inutusan ako ng hari ng isang bagay, at sinabi sa akin, Huwag maalaman ng sinoman ang bagay na aking isinusugo sa iyo, at ang aking iniutos sa iyo: at aking inilagay ang mga bataan sa gayo't gayong dako. 3 Ngayon nga anong mayroon ka sa iyong kamay? Bigyan mo ako ng limang tinapay sa aking kamay, o anomang mayroon ka. 4 At sumagot ang saserdote kay David, at nagsabi, Walang karaniwang tinapay sa aking kamay, nguni't mayroong banal na tinapay; kung disin ang mga bataan ay magpakalayo lamang sa mga babae. 5 At sumagot si David sa saserdote, at nagsabi sa kaniya, Sa katotohanan ang mga babae ay nalayo sa amin humigit kumulang sa tatlong araw na ito; nang ako'y lumabas ang mga daladalahan ng mga bataan ay banal, bagaman isang karaniwang paglalakad; gaano pa kaya kabanal ngayon ang kanilang mga daladalahan? 6 Sa gayo'y binigyan siya ng saserdote ng banal na tinapay: sapagka't walang tinapay roon, kundi tinapay na handog, na kinuha sa harap ng Panginoon, upang lagyan ng tinapay na mainit sa araw ng pagkuha.
7 Isang lalake nga sa mga lingkod ni Saul ay naroon nang araw na yaon, na pinigil sa harap ng Panginoon: at ang kaniyang pangalan ay Doeg na Idumeo, na pinakapuno ng mga pastor na nauukol kay Saul.
8 At sinabi ni David kay Ahimelech, At wala ka ba sa iyong kamay na sibat o tabak? sapagka't hindi ko nadala kahit ang aking tabak o ang aking mga sandata man, dahil sa ang bagay ng hari ay madalian. 9 At sinabi ng saserdote, Ang tabak ni Goliath na Filisteo, na iyong pinatay sa libis ng Ela, narito, nabibilot sa isang kayo na nasa likod ng epod: kung iyong kukunin yaon, kunin mo: sapagka't walang iba rito liban yaon. At sinabi ni David, Walang ibang gaya niyaon; ibigay mo sa akin.