1 At nangyari, nang si Samuel ay matanda na, na kaniyang ginawang mga hukom sa Israel ang kaniyang mga anak. 2 Ang pangalan nga ng kaniyang panganay ay Joel; at ang pangalan ng kaniyang ikalawa ay Abia: sila'y mga hukom sa Beer-seba. 3 At ang kaniyang mga anak ay hindi lumakad sa kaniyang mga daan, kundi lumingap sa mahalay na kapakinabangan, at tumanggap ng mga suhol, at sinira ang paghatol.
4 Nang magkagayo'y nagpipisan ang mga matanda ng Israel, at naparoon kay Samuel sa Ramatha; 5 At kanilang sinabi sa kaniya, Narito, ikaw ay matanda na, at ang iyong mga anak ay hindi lumalakad sa iyong mga daan: ngayon nga'y lagyan mo kami ng isang hari upang humatol sa amin gaya ng lahat ng mga bansa. 6 Nguni't hindi minabuti ni Samuel, nang kanilang sabihin, Bigyan mo kami ng isang hari upang humatol sa amin. At si Samuel ay nanalangin sa Panginoon. 7 At sinabi ng Panginoon kay Samuel, Dinggin mo ang tinig ng bayan sa lahat ng kanilang sinasabi sa iyo; sapagka't hindi ikaw ang kanilang itinakuwil, kundi itinakuwil nila ako, upang huwag akong maghari sa kanila. 8 Ayon sa lahat na gawa na kanilang ginawa mula nang araw na iahon ko sila mula sa Egipto hanggang sa araw na ito, sa kanilang pagiiwan sa akin, at paglilingkod sa ibang mga dios ay gayon ang ginagawa nila sa iyo. 9 Ngayon nga'y dinggin mo ang kanilang tinig: gayon ma'y tatanggi kang mainam sa kanila, at ipakikilala mo sa kanila ang paraan ng hari na maghahari sa kanila.