The Death of Eli

1 Samuel 4

12 At tumakbo ang isang lalake ng Benjamin na mula sa hukbo, at naparoon sa Silo nang araw ding yaon, na may barong hapak at may lupa sa kaniyang ulo. 13 At nang siya'y dumating, narito, si Eli ay nakaupo sa kaniyang upuan sa tabi ng daan na nagbabantay; sapagka't ang kaniyang puso'y nanginginig dahil sa kaban ng Dios. At nang ang tao ay pumasok sa bayan, at saysayin ang mga balita, ang buong bayan ay humiyaw. 14 At nang marinig ni Eli ang ingay ng hiyawan, ay kaniyang sinabi, Ano ang kahulugan ng kaingay ng gulong ito? At ang tao'y nagmadali, at naparoon, at isinaysay kay Eli. 15 Si Eli nga'y may siyam na pu't walong taon na; at ang kaniyang mga mata'y malalabo na, siya'y di na makakita. 16 At sinabi ng lalake kay Eli, Ako yaong nanggaling sa hukbo, at ako'y tumakas ngayon mula sa hukbo. At kaniyang sinabi, Paano ang nangyari, anak ko? 17 At siya na nagdala ng mga balita ay sumagot at nagsabi, Ang Israel ay tumakas sa harap ng mga Filisteo, at nagkaroon din naman doon ng isang malaking patayan sa gitna ng bayan, at pati ng iyong dalawang anak, si Ophni at si Phinees ay patay na, at ang kaban ng Dios ay kinuha. 18 At nangyari, nang kaniyang banggitin ang kaban ng Dios, na siya'y nabuwal sa likuran sa kaniyang upuan sa dako ng pintuang-bayan; at nabalian siya sa leeg, at siya'y namatay: sapagka't siya'y lalaking matanda at mabigat. At hinatulan niya ang Israel na apat na pung taon.

19 At ang kaniyang manugang, na asawa ni Phinees, ay buntis na kagampan: at pagkarinig niya ng balita na ang kaban ng Dios ay kinuha, at ang kaniyang biyanan at kaniyang asawa ay patay na, ay yumukod siya at napanganak; sapagka't ang kaniyang pagdaramdam ay dumating sa kaniya. 20 At nang mamatay na siya, ay sinabi sa kaniya ng mga babaing nakatayo sa siping niya, Huwag kang matakot; sapagka't ikaw ay nanganak ng isang lalake. Nguni't hindi siya sumagot, o inalumana man niya. 21 At ipinangalan niya sa bata ay Ichabod, na sinasabi, Ang kaluwalhatian ay nahiwalay sa Israel; sapagka't ang kaban ng Dios ay kinuha, at dahil sa kaniyang biyanan at sa kaniyang asawa. 22 At kaniyang sinabi, Ang kaluwalhatian ng Dios ay nahiwalay sa Israel; sapagka't ang kaban ng Dios ay kinuha.

Next Book Next Book