1 At ang buong kapisanan ng mga anak ni Israel ay nagpupulong sa Silo, at itinayo ang tabernakulo ng kapisanan doon: at ang lupain ay sumuko sa harap nila.
2 At nalabi sa mga anak ni Israel ay pitong lipi na hindi pa nababahaginan ng kanilang mana. 3 At sinabi ni Josue sa mga anak ni Israel, Hanggang kailan magpapakatamad kayo upang pasukin ninyong ariin ang lupain na ibinigay sa inyo ng Panginoon, ng Dios ng inyong mga magulang? 4 Maghalal kayo sa inyo ng tatlong lalake sa bawa't lipi: at aking susuguin, at sila'y babangon at lalakad sa lupain, at iguguhit ayon sa kanilang mana; at sila'y paririto sa akin. 5 At kanilang babahagihin ng pitong bahagi: ang Juda ay mananahan sa hangganan niyaon na dakong timugan, at ang sangbahayan ni Jose ay mananahan sa kanilang hangganan sa dakong hilagaan. 6 At inyong iguguhit ang lupain ng pitong bahagi, at inyong dadalhin ang pagkaguhit dito sa akin: at aking ipagsasapalaran dito sa inyo sa harap ng Panginoon natin Dios; 7 Sapagka't ang mga Levita ay walang bahagi sa gitna ninyo; sapagka't ang pagkasaserdote sa Panginoon ay siyang kanilang mana: at ang Gad, at ang Ruben at ang kalahating lipi ni Manases ay tumanggap na ng kanilang mana sa dako roon ng Jordan na dakong silanganan, na ibinigay sa kanila ni Moises na lingkod ng Panginoon.
8 At ang mga lalake ay tumindig at yumaon: at ibinilin sa kanila ni Josue na yumaong iguhit ang lupain, na sinasabi, Yumaon kayo at lakarin ninyo ang lupain at iguhit ninyo at bumalik kayo sa akin, at aking ipagsasapalaran sa inyo dito sa harap ng Panginoon sa Silo. 9 At ang mga lalake ay yumaon at nilakad ang lupain, at iginuhit sa isang aklat ayon sa mga bayan na pitong bahagi, at sila'y naparoon kay Josue sa kampamento sa Silo. 10 At ipinagsapalaran ni Josue sa kanila sa Silo sa harap ng Panginoon; at binahagi roon ni Josue ang lupain sa mga anak ni Israel ayon sa kanilang mga bahagi.