19 At ito ang mga sali't saling lahi ni Isaac, na anak ni Abraham: naging anak ni Abraham si Isaac, 20 At si Isaac ay may apat na pung taon, nang siya'y magasawa kay Rebeca, na anak ni Bethuel na taga Siria sa Padan-aram, kapatid na babae ni Laban na taga Siria. 21 At nanalangin si Isaac sa Panginoon dahil sa kaniyang asawa, sapagka't baog; at nadalanginan niya ang Panginoon, at si Rebeca na kaniyang asawa ay naglihi. 22 At nagbubuno ang mga bata sa loob niya; at kaniyang sinabi, Kung ganito'y bakit nabubuhay pa ako? At siya'y yumaong nagsiyasat sa Panginoon.
23 At sinabi sa kaniya ng Panginoon, Dalawang bansa ay nasa iyong bahay-bata, At dalawang bayan ay papaghihiwalayin mula sa iyong tiyan: At ang isang bayan ay magiging malakas kaysa isang bayan; At ang matanda ay maglilingkod sa bata.
24 At nang matupad ang mga araw ng kaniyang kapanganakan, narito't kambal sa kaniyang bahay-bata. 25 At ang unang lumabas ay mapula na buong katawa'y parang mabalahibong damit; at siya'y pinanganlang Esau. 26 At pagkatapos ay lumabas ang kaniyang kapatid, at ang kaniyang kamay ay nakakapit sa sakong ni Esau; at ipinangalan sa kaniya ay Jacob: at si Isaac ay may anim na pung taon na, nang sila'y ipanganak ni Rebeca.
27 At nagsilaki ang mga bata; at si Esau ay naging maliksi sa pangangaso, lalake sa parang; at si Jacob ay lalaking tahimik, na tumatahan sa mga tolda. 28 Minamahal nga ni Isaac si Esau, sapagka't kumakain ng kaniyang pinangangasuhan: at minamahal ni Rebeca si Jacob.