10 Nang magkagayo'y nagutos si Josue sa mga pinunong bayan, na sinasabi, 11 Kayo'y magdaan sa gitna ng kampamento, at magutos sa bayan, na sabihin, Maghanda kayo ng baon; sapagka't sa loob ng tatlong araw ay tatawid kayo sa Jordang ito, upang yumaong ariin ang lupain, na ibinibigay sa inyo ng Panginoon ninyong Dios upang ariin.
12 At sa mga Rubenita, at sa mga Gadita, at sa kalahating lipi ni Manases, ay nagsalita si Josue, na sinasabi, 13 Alalahanin ninyo ang salita na iniutos sa inyo ni Moises na lingkod ng Panginoon, na sinasabi, Binibigyan kayo ng kapahingahan ng Panginoon ninyong Dios, at ibibigay sa inyo ang lupaing ito. 14 Ang inyong mga asawa, ang inyong mga bata, at ang inyong mga hayop ay tatahan sa lupain na ibinigay sa inyo ni Moises sa dako roon ng Jordan; nguni't kayo'y tatawid na may sandata sa harap ng inyong mga kapatid, kayong lahat na makapangyarihang lalaking matapang, at tutulong sa kanila; 15 Hanggang sa mabigyan ng kapahingahan ng Panginoon ang inyong mga kapatid, na gaya ninyo, at kanila namang maari ang lupaing ibinibigay sa kanila ng Panginoon ninyong Dios: kung magkagayo'y babalik kayo sa lupain na inyong ari, at inyong aariin, yaong ibinigay sa inyo ni Moises na lingkod ng Panginoon sa dako roon ng Jordan sa dakong sinisikatan ng araw.
16 At sila'y sumagot kay Josue, na sinasabi, Lahat ng iyong iniutos sa amin ay aming gagawin, at saan mo man kami suguin ay paroroon kami. 17 Kung paanong aming dininig si Moises sa lahat ng mga bagay, ay gayon ka namin didinggin: sumaiyo lamang ang Panginoon mong Dios, na gaya kay Moises. 18 Sinomang manghihimagsik laban sa iyong utos, at hindi makikinig ng iyong mga salita sa lahat ng iyong iniuutos sa kaniya, ay ipapapatay: magpakalakas ka lamang at magpakatapang na mabuti.