14 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Narito, ang iyong mga araw na ikamamatay ay nalalapit: tawagin mo si Josue, at magsiharap kayo sa tabernakulo ng kapisanan upang siya'y aking mapagbilinan. At si Moises at si Josue ay yumaon at humarap sa tabernakulo ng kapisanan. 15 At ang Panginoon ay napakita sa Tolda, sa isang tila haliging ulap; at ang tila haliging ulap ay tumayo sa pintuan ng tabernakulo.
16 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Narito, ikaw ay matutulog na kasama ng iyong mga magulang; at ang bayang ito'y babangon, at sasamba sa kakaibang mga dios sa lupain, na kanilang pinaroroonan upang sumagitna nila, at ako'y pababayaan, at sisirain ang aking tipan na aking ipinakipagtipan sa kanila. 17 Kung magkagayo'y ang aking galit ay magaalab laban sa kanila sa araw na yaon, at aking pababayaan sila, at aking ikukubli ang aking mukha sa kanila, at sila'y sasakmalin, at maraming kasamaan at kabagabagan ang darating sa kanila; na anopa't kanilang sasabihin sa araw na yaon, Hindi ba ang mga kasamaang ito ay dumating sa atin dahil sa ang ating Dios ay wala sa gitna natin? 18 At ikukubli ko nga ang aking mukha sa araw na yaon dahil sa buong kasamaang kanilang ginawa, sa paraang sila'y pumihit sa ibang mga dios.
19 Ngayon nga'y sulatin ninyo sa ganang inyo ang awit na ito, at ituro mo sa mga anak ni Israel: ilagay mo sa kanilang mga bibig, upang ang awit na ito'y maging saksi sa akin laban sa mga anak ni Israel. 20 Sapagka't pagka sila'y naipasok ko na sa lupain na aking isinumpa sa kanilang mga magulang, na binubukalan ng gatas at pulot, at sila'y nakakain at nabusog at tumaba; ay pipihit nga sila sa ibang mga dios, at paglilingkuran nila, at ako'y lalabagin nila, at sisirain ang aking tipan. 21 At mangyayari na pagka ang maraming kasamaan at kabagabagan ay dumating sa kanila, ay magpapatotoo ang awit na ito sa harap nila na pinakasaksi; sapagka't hindi malilimutan ng mga bibig ng kanilang binhi; sapagka't talastas ko ang kanilang iniisip na kanilang inaakala ngayon pa, bago ko sila ipasok sa lupain na isinumpa ko. 22 Kaya't isinulat ni Moises ang awit na ito nang araw ding yaon, at itinuro sa mga anak ni Israel.
23 At kaniyang pinagbilinan si Josue na anak ni Nun, at sinabi, Ikaw ay magpakalakas at magpakatapang: sapagka't iyong ipapasok ang mga anak ni Israel sa lupain na isinumpa ko sa kanila; at ako'y sasa iyo.
24 At nangyari, nang matapos ni Moises na masulat ang mga salita ng kautusang ito sa isang aklat, hanggang sa natapos, 25 Na nagutos si Moises sa mga Levita, na may dala ng kaban ng tipan ng Panginoon, na sinasabi, 26 Kunin ninyo ang aklat na ito ng kautusan at ilagay ninyo sa siping ng kaban ng tipan ng Panginoon ninyong Dios, upang doo'y maging pinakasaksi laban sa iyo. 27 Sapagka't talastas ko ang iyong panghihimagsik, at ang iyong matigas na ulo: narito, nabubuhay pa akong kasama ninyo, sa araw na ito, kayo'y naging mapanghimagsik laban sa Panginoon: at gaano pa kaya pagkamatay ko? 28 Pulungin mo ang mga matanda sa iyong mga lipi at ang inyong mga pinuno upang masalita ko ang mga salitang ito sa kanilang pakinig, at matawag ang langit at ang lupa na pinakasaksi laban sa kanila. 29 Sapagka't talastas ko na pagkamatay ko, kayo'y mangagsisisama at mangaliligaw sa daan na aking itinuro sa inyo; at ang kasamaan ay sasapit sa inyo sa mga huling araw; sapagka't inyong gagawin yaong masama sa paningin ng Panginoon, upang ipamungkahi niya kayo sa kagalitan sa pamamagitan ng mga gawa ng inyong mga kamay.