1 Huwag mong makikitang naliligaw ang baka ng iyong kapatid o ang kaniyang tupa, at ikaw ay magkukubli sa mga yaon: iyo ngang ibabalik sa iyong kapatid. 2 At kung ang iyong kapatid ay hindi malapit sa iyo, o kung hindi mo siya nakikilala, ay iyo ngang iuuwi sa iyong bahay, at mapapasaiyo hanggang sa hanapin ng iyong kapatid, at iyong isasauli sa kaniya. 3 At gayon ang iyong gagawin sa kaniyang asno; at gayon ang iyong gagawin sa kaniyang damit, at gayon ang iyong gagawin sa bawa't nawalang bagay ng iyong kapatid, na nawala sa kaniya at iyong nasumpungan: huwag kang magkukubli. 4 Huwag mong makikitang napahiga sa daan ang asno ng iyong kapatid o ang kaniyang baka at ikaw ay magkukubli sa mga yaon; iyo ngang tutulungan siya upang itindig sila uli.
5 Ang babae ay huwag mananamit ng nauukol sa lalake, ni ang lalake ay magsusuot ng pananamit ng babae; sapagka't sinomang gumagawa ng mga bagay na ito ay karumaldumal sa Panginoon mong Dios.
6 Kung ang isang pugad ng ibon ay magkataong masumpungan mo sa daan, sa anomang punong kahoy, o sa lupa, na may mga inakay, o mga itlog at humahalimhim ang inahin sa mga inakay, o sa mga itlog, ay huwag mong kukunin ang inahin na kasama ng mga inakay: 7 Sa anomang paraan, ay iyong pawawalan ang inahin, nguni't ang inakay ay makukuha mong sa iyo; upang ikabuti mo at upang tumagal ang iyong mga araw.
8 Pagka ikaw ay magtatayo ng isang bagong bahay, ay igagawa mo nga ng isang halang ang iyong bubungan, upang huwag kang magtaglay ng sala ng dugo sa iyong bahay, kung ang sinomang tao ay mahulog mula roon.
9 Huwag mong tatamnan ang iyong ubasan ng dalawang magkaibang binhi: baka ang buong bunga ay masira, ang binhi na iyong inihasik at ang bunga ng ubasan. 10 Huwag kang mag-aararo na may isang baka at isang asno na magkatuwang. 11 Huwag kang magbibihis ng magkahalong kayo, ng lana at lino na magkasama.
12 Gagawa ka sa iyo ng mga tirintas sa apat na laylayan ng iyong balabal, na ipinangbabalabal mo sa iyo.