1 Kung may masumpungang pinatay sa lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios upang ariin, na nabubulagta sa parang, at hindi maalaman kung sinong sumugat sa kaniya: 2 Ay lalabas nga ang iyong mga matanda at ang iyong mga hukom, at kanilang susukatin ang layo ng mga bayang nasa palibot ng pinatay: 3 At mangyayari, na ang mga matanda sa bayang yaon, na bayang malapit sa pinatay, ay kukuha ng isang dumalagang baka sa bakahan, na hindi pa nagagamit at hindi pa nakakapagpasan ng pamatok; 4 At ibababa ng mga matanda ang dumalagang baka sa isang libis na may agos ng tubig, na di pa nabubukid, ni nahahasikan, at babaliin ang leeg ng dumalagang baka doon sa libis: 5 At ang mga saserdote na mga anak ni Levi ay lalapit, sapagka't sila ang pinili ng Panginoon mong Dios na mangasiwa sa kaniya, at bumasbas sa pangalan ng Panginoon; at ayon sa kanilang salita ay pasisiyahan ang bawa't pagkakaalit at bawa't awayan: 6 At lahat ng mga matanda sa bayang yaon, na malapit sa pinatay, ay maghuhugas ng kanilang kamay sa ibabaw ng dumalagang baka na binali ang leeg sa libis: 7 At sila'y sasagot at sasabihin, Ang aming kamay ay hindi nagbubo ng dugong ito, ni nakita ng aming mga mata. 8 Patawarin mo, Oh Panginoon, ang iyong bayang Israel, na iyong tinubos, at huwag mong tikising matira sa gitna ng iyong bayang Israel, ang dugong walang sala. At ang dugo'y ipatatawad sa kanila. 9 Gayon mo aalisin ang dugong walang sala sa gitna mo, pagka iyong gagawin ang matuwid sa paningin ng Panginoon.