15 Palilitawin sa iyo ng Panginoon mong Dios ang isang propeta sa gitna mo, sa iyong mga kapatid, na gaya ko; sa kaniya kayo makikinig; 16 Ayon sa lahat ng iyong ninasa sa Panginoon mong Dios sa Horeb, sa araw ng kapulungan, na sinasabi, Huwag mong iparinig uli sa akin ang tinig ng Panginoon kong Dios, ni ipakita pa sa akin itong dakilang apoy, upang huwag akong mamatay. 17 At sinabi ng Panginoon sa akin, Mabuti ang kanilang pagkasabi ng kanilang salitain. 18 Aking palilitawin sa kanila ang isang propeta sa gitna ng kanilang mga kapatid, na gaya mo; at aking ilalagay ang aking mga salita sa bibig niya, at kaniyang sasalitain sa kanila ang lahat ng aking iuutos sa kaniya. 19 At mangyayari, na sinomang hindi makikinig sa aking mga salita na kaniyang sasalitain sa aking pangalan, ay aking sisiyasatin yaon sa kaniya. 20 Nguni't ang propeta na magsasalita ng salitang may pagpapalalo sa aking pangalan, na hindi ko iniutos sa kaniyang salitain o magsasalita sa pangalan ng ibang mga dios, ay papatayin nga ang propetang yaon. 21 At kung iyong sasabihin sa iyong puso: Paanong malalaman namin ang salita na hindi sinalita ng Panginoon? 22 Pagka ang isang propeta ay nagsasalita sa pangalan ng Panginoon, kung ang bagay na sinasabi ay hindi sumunod ni mangyari, ay hindi sinalita ng Panginoon ang bagay na yaon: ang propetang yaon ay nagsalita ng kahambugan, huwag mong katatakutan siya.