1 Magdidiwang ka sa buwan ng Abib, at ipangingilin ang paskua sa Panginoon mong Dios: sapagka't sa buwan ng Abib inilabas ka ng Panginoon mong Dios sa Egipto sa gabi. 2 At iyong ihahain ang paskua sa Panginoon mong Dios, ang sa kawan at sa bakahan, sa dakong pipiliin ng Panginoon na patatahanan sa kaniyang pangalan. 3 Huwag kang kakain sa paskua ng tinapay na may lebadura; pitong araw na kakanin mo sa paskua ang tinapay na walang lebadura, ang tinapay ng pagkapighati; sapagka't umalis kang madalian sa lupain ng Egipto: upang iyong maalaala ang araw na inialis mo sa lupain ng Egipto sa lahat ng mga araw ng iyong buhay. 4 At pitong araw na walang makikitang lebadura sa iyo, sa lahat ng iyong mga hangganan; ni sa anomang karne na iyong ihahain sa unang araw sa paglubog ng araw ay walang maiiwan sa buong gabi, hanggang sa umaga; 5 Hindi mo maihahain ang paskua sa loob ng alin man sa iyong mga pintuang-daan, na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios: 6 Kundi sa dakong pipiliin ng Panginoon mong Dios na patatahanan sa kaniyang pangalan, ay doon mo ihahain ang paskua sa pagtatakip silim, sa paglubog ng araw, sa panahon na iyong inialis sa Egipto. 7 At iyong iihawin at kakanin sa dakong pipiliin ng Panginoon mong Dios; at ikaw ay babalik sa kinaumagahan, at uuwi sa iyong mga tolda. 8 Anim na araw na kakain ka ng tinapay na walang lebadura: at sa ikapitong araw ay magkakaroon ka ng takdang pagpupulong sa Panginoon mong Dios: huwag kang gagawa ng anomang gawa sa araw na iyan.