8 At lumaki ang sanggol, at inihiwalay sa suso; at nagpiging ng malaki si Abraham ng araw na ihiwalay sa suso si Isaac. 9 At nakita ni Sara ang anak ni Agar na taga Egipto, na ito'y nagkaanak kay Abraham, na tumutuya sa kaniya. 10 Kaya't sinabi niya kay Abraham, Palayasin mo ang aliping ito at ang kaniyang anak: sapagka't hindi magmamana ang anak ng aliping ito na kahati ng aking anak, sa makatuwid baga'y ni Isaac. 11 At ang bagay na ito ay naging lubhang mabigat sa paningin ni Abraham dahil sa kaniyang anak. 12 At sinabi ng Dios kay Abraham, Huwag mong mabigatin ito sa iyong paningin dahil sa iyong alipin; sa lahat na sabihin sa iyo ni Sara, ay makinig ka sa kaniyang tinig, sapagka't kay Isaac tatawagin ang iyong lahi. 13 At ang anak din naman ng alipin ay gagawin kong isang bansa, sapagka't siya'y anak mo. 14 At nagbangong maaga sa kinaumagahan si Abraham, at kumuha ng tinapay at ng isang bangang balat ng tubig, at ibinigay kay Agar, na ipinatong sa kaniyang balikat, at ang bata at siya ay pinapagpaalam, at siya'y nagpaalam at naggala sa ilang ng Beerseba.
15 At naubos ang tubig sa bangang balat, at kaniyang inilapag ang bata sa ilalim ng isa sa mabababang punong kahoy. 16 At yumaon at naupo sa tapat niya, na ang layo ay isang hilagpos ng pana; sapagka't sinabi niya, Huwag kong makita ang kamatayan ng bata. At naupo sa tapat, at naghihiyaw at umiyak. 17 At narinig ng Dios ang tinig ng bata; at tinawag ng anghel ng Dios si Agar, mula sa langit, at sa kaniya'y sinabi, Naano ka Agar? Huwag kang matakot; sapagka't narinig ng Dios ang tinig ng bata sa kinalalagyan. 18 Magtindig ka, iyong itayo ang bata, at alalayan mo siya ng iyong kamay; sapagka't siya'y gagawin kong isang bansang malaki. 19 At idinilat ng Dios ang kaniyang mga mata, at siya'y nakakita ng isang balon ng tubig: at naparoon at pinuno ng tubig ang bangang balat, at pinainom ang bata. 20 At ang Dios ay sumabata, at siya'y lumaki; at tumahan sa ilang at naging mamamana. 21 At nanahan siya sa ilang ng Paran: at ikinuha siya ng kaniyang ina ng asawa sa lupain ng Egipto.