1 Ito ang mga salita na sinalita ni Moises sa buong Israel sa dako roon ng Jordan sa ilang, sa Araba na katapat ng Suph, sa pagitan ng Paran, at ng Thopel, at ng Laban, at ng Haseroth, at ng Di-zahab. 2 Labing isang araw na lakbayin mula sa Horeb kung dadaan ng bundok ng Seir hanggang sa Cades-barnea. 3 At nangyari nang ikaapat na pung taon, nang ikalabing isang buwan, nang unang araw ng buwan, na nagsalita si Moises sa mga anak ni Israel, tungkol sa lahat na ibinigay sa kaniyang utos ng Panginoon sa kanila; 4 Pagkatapos na kaniyang masaktan si Sehon na hari ng mga Amorrheo, na tumatahan sa Hesbon, at si Og na hari sa Basan, na tumatahan sa Astarot sa Edrei: 5 Sa dako roon ng Jordan, sa lupain ng Moab, pinasimulan ni Moises na ipinahayag ang kautusang ito, na sinasabi, 6 Ang Panginoon nating Dios ay nagsalita sa atin sa Horeb, na nagsasabi, Kayo'y nakatahan ng malaon sa bundok na ito: 7 Pumihit kayo, at kayo'y maglakbay, at kayo'y pumaroon sa lupaing maburol ng mga Amorrheo, at sa lahat ng mga dakong malapit, sa Araba, sa lupaing maburol, at sa mababang lupain, at sa Timugan, at sa baybayin ng dagat, sa lupain ng mga Cananeo at sa Lebano, hanggang sa malaking ilog, na ilog Eufrates. 8 Narito, aking inilagay ang lupain sa harap ninyo: inyong pasukin at ariin ang lupain na isinumpa ng Panginoon sa inyong mga magulang, kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob, na ibibigay sa kanila at sa kanilang binhi pagkamatay nila.