1 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi, 2 Ipanghiganti mo ang mga anak ni Israel sa mga Madianita; pagkatapos nito'y malalakip ka sa iyong bayan. 3 At sinalita ni Moises sa bayan, na sinasabi, Magsipagsakbat kayong mga lalake na humanda sa pakikibaka, upang magsiyaon sila laban sa Madian, upang isagawa ang panghihiganti ng Panginoon sa Madian. 4 Sa bawa't lipi ay isang libo, sa lahat ng mga lipi ng Israel, ang susuguin ninyo sa pakikibaka. 5 Sa gayo'y sinugo sa libolibong Israelita, ang isang libo sa bawa't lipi, na labing dalawang libo ngang nasasakbatan sa pakikibaka. 6 At sinugo sila ni Moises, sa pakikibaka, isang libo sa bawa't lipi, sila at si Phinees na anak ni Eleazar na saserdote, sa pakikibaka, na may mga kasangkapan ng santuario, at may mga pakakak na panghudyat sa kaniyang kamay. 7 At binaka nila ang Madian, gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises; at kanilang pinatay ang bawa't lalake. 8 At pinatay nila ang mga hari sa Madian na kasama ng mga napatay: si Evi at si Recem, at si Zur, at si Hur, at si Reba, limang hari sa Madian: si Balaam man na anak ni Beor ay kanilang pinatay ng tabak. 9 At binihag ng mga anak ng Israel ang mga babae sa Madian at ang kanilang mga bata; at ang lahat nilang mga hayop at ang lahat nilang mga kawan, at ang lahat nilang pag-aari ay kanilang sinamsam. 10 At ang lahat nilang mga bayan sa mga dakong kanilang tinatahanan at ang lahat nilang mga tolda ay kanilang sinunog sa apoy. 11 At kanilang dinala ang lahat ng kanilang nakuha, at ang lahat ng kanilang nasamsam, maging sa tao at maging sa hayop. 12 At kanilang dinala ang mga bihag, ang nasamsam at ang nahuli, kay Moises, at kay Eleazar na saserdote, at sa kapisanan ng mga anak ni Israel, na nasa kampamento sa mga kapatagan ng Moab, na nasa tabi ng Jordan sa Jerico.
13 At si Moises at si Eleazar na saserdote, at ang lahat ng mga prinsipe sa kapisanan, ay nagsilabas na sinalubong sila sa labas ng kampamento. 14 At si Moises ay nag-init sa mga pinuno ng hukbo, sa mga kapitan ng libolibo at sa mga kapitan ng daandaan, na nagsipanggaling sa pakikipagbaka. 15 At sinabi ni Moises sa kanila, Iniligtas ba ninyo na buhay ang lahat ng mga babae? 16 Narito, sila'y naging sanhi, sa payo ni Balaam, upang ang mga anak ni Israel ay sumalangsang laban sa Panginoon sa bagay ng Peor, at kaya't nagkasalot sa kapisanan ng Panginoon. 17 Ngayon nga ay patayin ninyo ang lahat ng mga batang lalake at patayin ninyo ang bawa't babae na nasipingan ng lalake. 18 Nguni't ang lahat ng batang babae na hindi pa nasisipingan ng lalake ay buhayin ninyo upang mapasa inyo. 19 At matira kayo sa labas ng kampamento na pitong araw: sinoman sa inyo na nakamatay ng sinomang tao, at sinoman sa inyo na nakahipo ng anomang pinatay, ay maglilinis kayo sa ikatlong araw at sa ikapitong araw, kayo at ang inyong mga bihag. 20 At tungkol sa bawa't kasuutan, at sa lahat ng yari sa balat, at sa lahat ng yari sa balahibo ng kambing, at sa lahat ng bagay na yari sa kahoy, ay pakalinisin ninyo.
21 At sinabi ni Eleazar na saserdote sa mga lalake ng hukbo na nagsiparoon sa pakikipagbaka, Ito ang palatuntunan ng kautusan na iniutos ng Panginoon kay Moises: 22 Gayon ma'y ang ginto at ang pilak, ang tanso, ang bakal, ang lata, at ang tingga, 23 Bawa't bagay na hindi naaano sa apoy, ay inyong pararaanin sa apoy, at magiging malinis; gayon ma'y inyong lilinisin ng tubig para sa karumihan: at ang lahat na hindi nakatatagal sa apoy, ay inyong pararaanin sa tubig. 24 At inyong lalabhan ang inyong mga damit sa ikapitong araw, at kayo'y magiging malinis, at pagkatapos nito'y makapapasok kayo sa kampamento.
25 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi, 26 Bilangin mo ang samsam na nakuha sa tao at gayon din sa hayop, ninyo at ni Eleazar na saserdote, at ng mga pangulo ng mga sangbahayan ng mga magulang ng kapisanan: 27 At hatiin mo ang samsam ng dalawa; sa mga lalaking mangbabaka na nagsilabas sa pakikipagbaka, at sa buong kapisanan: 28 Bigyan mo ng buwis ang Panginoon sa mga lalaking mangdidigma na nagsilabas sa pakikipagbaka: isang tao sa bawa't limang daan, sa mga tao at gayon din sa mga hayop, at sa mga asno at sa mga kawan: 29 Sa kalahating nauukol sa kanila, ay kukunin mo at ibibigay mo kay Eleazar na saserdote na pinakahandog na itinaas sa Panginoon. 30 At sa kalahati na nauukol sa mga anak ni Israel, ay kunin mo ang isang nakuha sa bawa't limang pu, sa mga tao, sa mga bata, sa mga asno, at sa mga kawan, sa lahat ng hayop at ibigay mo sa mga Levita, na namamahala sa tabernakulo ng Panginoon. 31 At ginawa ni Moises at ni Eleazar na saserdote, gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
32 Ang nabihag nga bukod pa sa nasamsam ng mga taong nakipagbaka, ay anim na raan at pitong pu't limang libong tupa, 33 At pitong pu't dalawang libong baka, 34 Anim na pu't isang libong asno, 35 At tatlong pu't dalawang libong tao sa lahat, sa mga babae na hindi pa nasisipingan ng lalake. 36 At ang kalahati, na siyang bahagi niyaong mga nagsilabas sa pakikipagbaka ay umaabot sa bilang na tatlong daan at tatlong pu't pitong libo at limang daang tupa: 37 At ang buwis na tupa sa Panginoon, ay anim na raan at pitong pu't lima. 38 At ang mga baka ay tatlong pu't anim na libo; na ang buwis sa Panginoon ay pitong pu't dalawa. 39 At ang mga asno ay tatlong pung libo at limang daan; na ang buwis sa Panginoon ay anim na pu't isa. 40 At ang mga asno ay labing anim na libo; na ang buwis sa Panginoon ay tatlong pu't dalawang tao. 41 At ibinigay ni Moises ang buwis, na ukol sa handog na itinaas sa Panginoon, kay Eleazar na saserdote, gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
42 At ang kalahati ay sa mga anak ni Israel, na inihiwalay ni Moises sa mga taong nakipagbaka 43 (Siya ngang kalahati na nauukol sa kapisanan ay tatlong daan at tatlong pu't pitong libo at limang daang tupa, 44 At tatlong pu't anim na libong baka, 45 At tatlong pung libo't limang daang asno, 46 At labing anim na libong tao), 47 At sa kalahati nga na nauukol sa mga anak ni Israel, ay kinuha ni Moises ang isa sa bawa't limang pu, sa tao at gayon din sa hayop, at ibinigay sa mga Levita, na namamahala sa tabernakulo ng Panginoon; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
48 At ang mga pinuno na namamahala sa libolibo ng hukbo, ang mga kapitan ng libolibo, at ang mga kapitan ng daandaan ay nangagsilapit kay Moises: 49 At sinabi nila kay Moises, Binilang ng iyong mga lingkod ang mga lalaking mangdidigma na nasa aming kapangyarihan, at walang kulang kahit isa man sa amin. 50 At aming dinala na pinakaalay sa Panginoon, ang nakuha ng bawa't lalake, na mga hiyas na ginto, mga tanikala sa bukongbukong, at mga pulsera, mga singsing na pinaka tanda, mga hikaw, at mga kuwintas sa leeg upang itubos sa aming mga kaluluwa sa harap ng Panginoon. 51 At kinuha ni Moises at ni Eleazar na saserdote ang ginto nila, lahat ng hiyas na dalisay. 52 At ang buong gintong handog na itinaas, na kanilang inihandog sa Panginoon, ng mga kapitan ng libolibo, at ng mga kapitan ng daandaan, ay labing anim na libo at pitong daan at limang pung siklo. 53 (Sapagka't ang mga lalake na nakipagbaka ay naguwi ng samsam, na bawa't isa ay may sariling dala.) 54 At kinuha ni Moises at ni Eleazar na saserdote ang ginto ng mga kapitan ng libolibo at ng daandaan, at isinilid sa tabernakulo ng kapisanan, pinakaalaala sa mga anak ni Israel sa harap ng Panginoon.