1 Nang magkagayo'y nagsilapit ang mga anak na babae ni Salphaad, na anak ni Hepher, na anak ni Galaad, na anak ni Machir, na anak ni Manases, sa mga angkan ni Manases, na anak ni Jose; at ito ang mga pangalan ng kaniyang mga anak: Maala, at Noa, at Hogla, at Milca, at Tirsa. 2 At sila'y nagsitayo sa harap ni Moises, at sa harap ni Eleazar na saserdote, at sa harap ng mga prinsipe at ng buong kapisanan, sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan, na sinasabi, 3 Ang aming ama ay namatay sa ilang, at siya'y hindi kasama ng nagpipisang magkakasama laban sa Panginoon, sa pulutong ni Core: kundi siya'y namatay sa kaniyang sariling kasalanan; at hindi nagkaanak ng lalake. 4 Bakit ang pangalan ng aming ama ay aalisin sa angkan niya, sapagka't siya'y hindi nagkaanak ng lalake? Bigyan ninyo kami ng pag-aari sa gitna ng mga kapatid ng aming ama.
5 At dinala ni Moises ang kanilang usap sa harap ng Panginoon. 6 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi, 7 Ang mga anak na babae ni Salphaad ay nagsasalita ng matuwid: bibigyan mo nga sila ng isang pag-aari na pinakamana sa gitna ng mga kapatid ng kanilang ama; at iyong isasalin ang mana ng kanilang ama sa kanila. 8 At iyong sasalitain sa mga anak ni Israel, na iyong sasabihin, Kung ang isang lalake ay mamatay, at walang anak na lalake, ay inyo ngang isasalin ang kaniyang mana sa kaniyang anak na babae. 9 At kung siya'y walang anak na babae, ay inyo ngang ibibigay ang kaniyang mana sa kaniyang mga kapatid. 10 At kung siya'y walang kapatid, ay inyo ngang ibibigay ang kaniyang mana sa mga kapatid ng kaniyang ama. 11 At kung ang kaniyang ama ay walang kapatid, ay inyo ngang ibibigay ang kaniyang mana sa kaniyang kamaganak na pinakamalapit sa kaniya sa kaniyang angkan, at kaniyang aariin: at sa mga anak ni Israel ay magiging isang palatuntunan ng kahatulan, gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.