11 At nakita kong bukas ang langit; at narito, ang isang kabayong maputi, at yaong nakasakay dito ay tinatawag na Tapat at Totoo; at sa katuwiran siya'y humahatol at nakikipagbaka. 12 At ang kaniyang mga mata ay ningas ng apoy, at sa kaniyang ulo ay maraming diadema; at siya'y may isang pangalang nakasulat, na sinoman ay di nakaaalam kundi siya rin. 13 At siya'y nararamtan ng damit na winisikan ng dugo: at ang kaniyang pangalan ay tinatawag na Ang Verbo ng Dios. 14 At ang mga hukbong nasa langit ay sumusunod sa kaniya na mga nakasakay sa mga kabayong puti, at nangararamtan ng mahalagang linong maputi at dalisay. 15 At sa kaniyang bibig ay lumalabas ang isang tabak na matalas, upang sa pamamagitan nito'y sugatan niya ang mga bansa: at kaniyang paghaharian ng tungkod na bakal: at niyuyurakan niya ang pisaan ng ubas ng kabangisan ng kagalitan ng Dios na Makapangyarihan sa lahat. 16 At siya'y mayroong isang pangalang nakasulat sa kaniyang damit at sa kaniyang hita, HARI NG MGA HARI AT PANGINOON NG MGA PANGINOON.
17 At nakita kong nakatayo ang isang anghel sa araw; na siya'y sumisigaw ng malakas na tinig, na nagsasabi sa lahat ng mga ibong lumilipad sa gitna ng himpapawid, Halikayo at mangagkatipon sa dakilang hapunan ng Dios; 18 Upang kayo'y makakain ng laman ng mga hari, at ng laman ng mga pangulong kapitan, at ng laman ng mga taong makapangyarihan, at ng laman ng mga kabayo at ng mga nakasakay dito, at ng laman ng lahat ng mga taong laya at mga alipin man, at maliliit at malalaki. 19 At nakita ko ang hayop, at ang mga hari sa lupa, at ang kanilang mga hukbo, na nangagkakatipon upang makipagbaka laban doon sa nakasakay sa kabayo, at laban sa kaniyang hukbo. 20 At sinunggaban ang hayop, at kasama niya ang bulaang propeta na gumawa ng mga tanda sa harapan nito, na siyang ipinangdaya sa mga nagsitanggap ng tanda ng hayop at sa mga sumamba sa larawan nito: ang dalawang ito ay inihagis na buhay sa dagatdagatang apoy na nagliliyab sa asupre: 21 At ang mga iba ay pinatay sa tabak na lumalabas sa bibig niyaong nakasakay sa kabayo, at ang lahat ng mga ibon ay nangabusog ng mga laman nila.