1 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi, 2 Salitain mo sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila, Pagpasok ninyo sa lupain na inyong mga tahanan, na aking ibibigay sa inyo, 3 At maghahandog kayo sa Panginoon ng pinaraan sa apoy na handog na susunugin, o ng hain upang tumupad ng panata, o ng kusang handog, o sa inyong mga takdang kapistahan, upang gawing masarap na amoy sa Panginoon, na mula sa bakahan, o mula sa kawan: 4 Kung gayon ay maghandog sa Panginoon yaong maghahandog ng alay ng isang handog na harina, na ikasangpung bahagi ng isang efa ng mainam na harina na hinaluan ng ikaapat na bahagi ng isang hin ng langis: 5 At ng alak na inuming handog, na ikaapat na bahagi ng isang hin, ang iyong ihahanda na kalakip ng handog na susunugin, o ng hain, sa bawa't kordero. 6 O kung isang tupang lalake, ay iyong ihahanda na pinakahandog na harina, ang dalawang ikasangpung bahagi ng isang efa ng mainam na harina na hinaluan ng ikatlong bahagi ng isang hin ng langis: 7 At bilang pinakainuming handog ay iyong ihahandog ang ikatlong bahagi ng isang hin ng alak na pinakamasarap na amoy sa Panginoon. 8 At pagka maghahanda ka ng isang toro na handog na susunugin, o upang ihain, sa katuparan ng isang panata, o upang mga handog sa Panginoon tungkol sa kapayapaan; 9 Ay kaniyang ihahandog nga na kalakip ng toro ang isang handog na harina na tatlong ikasangpung bahagi ng isang efa ng mainam na harina na hinaluan ng kalahating hin ng langis. 10 At iyong ihahandog na pinakainuming handog ay kalahating hin ng alak na pinakahandog na pinaraan sa apoy, na pinakamasarap na amoy sa Panginoon.
11 Gayon gagawin sa bawa't toro, o sa bawa't tupang lalake, o sa bawa't korderong lalake, o sa mga anak ng kambing. 12 Ayon sa bilang ng inyong ihahanda, ay gayon ninyong gagawin sa bawa't isa ayon sa kanilang bilang. 13 Lahat ng tubo sa lupain ay gagawa ng mga bagay na ito sa ganitong paraan, sa paghahandog ng handog na pinaraan sa apoy, na pinakamasarap na amoy sa Panginoon. 14 At kung ang isang taga ibang bayan ay makipamayang kasama ninyo, o sinomang nasa gitna ninyo sa buong panahon ng inyong mga lahi, at maghahandog ng handog na pinaraan sa apoy, na pinakamasarap na amoy sa Panginoon; ay kaniyang gagawin ang gaya ng inyong ginagawa. 15 Sa kapisanan ay magkakaroon ng isang palatuntunan sa inyo, at sa taga ibang bayan na nakikipamayan sa inyo, isang palatuntunan magpakailan man sa buong panahon ng inyong mga lahi: kung paano kayo, ay magiging gayon din ang taga ibang bayan sa harap ng Panginoon. 16 Isang kautusan at isang ayos ay magkakaroon sa inyo, at sa taga ibang bayan sa nakikipamayan sa inyo.
17 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi, 18 Salitain mo sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila, Pagpasok ninyo sa lupaing aking pinagdadalhan sa inyo, 19 Ay mangyayari nga, na pagkain ninyo ng tinapay sa lupain, ay maghahandog kayo ng isang handog na itinaas sa Panginoon. 20 Sa pinaka una sa inyong masang harina ay maghahandog kayo ng isang munting tinapay na pinakahandog na itinaas: kung paano ninyo ginagawa ang handog na itinaas tungkol sa giikan, ay gayon ninyo itataas ito. 21 Sa pinaka una sa inyong masang harina ay magbibigay kayo sa Panginoon ng isang handog na itinaas sa buong panahon ng inyong mga lahi.