1 Kung paano ngang si Cristo ay nagbata sa laman, ay magsandata rin naman kayo ng gayong pagiisip; sapagka't siya na nagbata sa laman ay nagpapatigil sa kasalanan; 2 Upang huwag na kayong mangabuhay sa laman sa inyong nalalabing panahon sa mga masamang pita ng mga tao, kundi sa kalooban ng Dios. 3 Sapagka't sukat na ang nakaraang panahon upang gawin ang hangad ng mga Gentil, at lumakad sa kalibugan, sa mga masamang pita, sa mga paglalasing, sa mga kalayawan, sa mga kayamuan, at sa kasuklamsuklam na pagsamba sa mga diosdiosan: 4 Ikinahahanga nila ang bagay na ito na kayo'y hindi nakikitakbong kasama nila sa gayong pagpapakalabis ng kaguluhan, kung kaya't kayo'y pinagsasalitaan ng masama: 5 Na sila'y magbibigay sulit sa kaniya na handang humukom sa mga buhay at sa mga patay. 6 Sapagka't dahil dito'y ipinangaral maging sa mga patay ang evangelio, upang sila, ayon sa mga tao sa laman ay mangahatulan, datapuwa't mangabuhay sa espiritu ayon sa Dios.
7 Nguni't ang wakas ng lahat ng mga bagay ay malapit na: kayo nga'y mangagpakahinahon, at mangagpuyat sa pananalangin: 8 Na una sa lahat ay maging maningas kayo sa inyong pagiibigan; sapagka't ang pagibig ay nagtatakip ng karamihang kasalanan: 9 Na mangagpatuluyan kayo ng walang bulongbulungan: 10 Na ayon sa kaloob na tinanggap ng bawa't isa, ay ipaglingkod sa inyo-inyo rin, na gaya ng mabubuting katiwala ng masaganang biyaya ng Dios; 11 Na kung ang sinoma'y nagsasalita, ay gaya ng sa mga aral ng Dios: kung ang sinoman ay nangangasiwa, ay gaya ng sa kalakasang ibinibigay ng Dios: upang ang Dios ay papurihan sa lahat ng mga bagay sa pamamagitan ni Jesucristo, na sa kaniya ang kaluwalhatian at ang paghahari magpakailan man. Siya nawa.