14 Anong pakikinabangin, mga kapatid ko, kung sinasabi ng sinoman na siya'y may pananampalataya, nguni't walang mga gawa? makapagliligtas baga sa kaniya ang pananampalatayang iyan? 15 Kung ang isang kapatid na lalake o babae ay hubad at walang kakanin araw-araw, 16 At ang isa sa inyo ay magsabi sa kanila, Magsiyaon kayong payapa, kayo'y mangagpainit at mangagpakabusog; at gayon ma'y hindi ninyo ibinibigay sa kanila ang mga bagay na kinakailangan ng katawan; anong mapapakinabang dito? 17 Gayon din naman ang pananampalataya na walang mga gawa, ay patay sa kaniyang sarili.
18 Oo, sasabihin ng isang tao, Ikaw ay mayroong pananampalataya, at ako'y mayroong mga gawa: ipakita mo sa akin ang iyong pananampalatayang hiwalay sa mga gawa, at ako sa pamamagitan ng aking mga gawa ay ipakita sa iyo ang aking pananampalataya. 19 Ikaw ay sumasampalataya na ang Dios ay iisa; mabuti ang iyong ginagawa: ang mga demonio man ay nagsisisampalataya, at nagsisipanginig. 20 Datapuwa't ibig mo bagang maalaman, Oh taong walang kabuluhan, na ang pananampalataya na walang mga gawa ay baog? 21 Hindi baga ang ating amang si Abraham ay inaring ganap sa pamamagitan ng mga gawa, dahil sa kaniyang inihain si Isaac na kaniyang anak sa ibabaw ng dambana? 22 Nakikita mo na ang pananampalataya ay gumagawang kalakip ng kaniyang mga gawa, at sa pamamagitan ng mga gawa ay naging sakdal ang pananampalataya; 23 At natupad ang kasulatan na nagsasabi, At si Abraham ay sumampalataya sa Dios, at yao'y ibinilang na katuwiran sa kaniya; at siya'y tinawag na kaibigan ng Dios. 24 Nakikita ninyo na sa pamamagitan ng mga gawa'y inaaring ganap ang tao, at hindi sa pamamagitan ng pananampalataya lamang. 25 At gayon din naman hindi rin baga si Rahab na patutot ay inaring ganap sa pamamagitan ng mga gawa, dahil sa tinanggap niya ang mga sugo, at kaniyang pinapagdaan sila sa ibang daan? 26 Sapagka't kung paanong ang katawan na walang espiritu ay patay, ay gayon din ang pananampalataya na walang mga gawa ay patay.