1 Ngayon, ang unang tipan din ay nagkaroon ng mga palatuntunan ng pagsamba sa Dios, at ng kaniyang santuario, ang santuario ng sanglibutang ito. 2 Sapagka't inihanda ang isang tabernakulo, ang una, na kinaroroonan ng kandelero, at ng dulang, at ng mga tinapay na handog; na siyang tinatawag na Dakong Banal. 3 At sa likod ng ikalawang tabing ay ang tabernakulo na tinatawag na Dakong Kabanalbanalan; 4 Na may isang gintong dambana ng kamangyan at kaban ng tipan, at ang paligid ay nakakalupkupan ng ginto, na siyang kinaroroonan ng sisidlang-ginto na may lamang mana, at tungkod ni Aaron na namulaklak, at mga tapyas na bato ng tipan; 5 At sa ibabaw nito ay ang mga querubin ng kaluwalhatian na nangagsisililim sa luklukan ng awa; na ang mga bagay na ito ay hindi natin mapaguusapan ngayon ng isa isa.
6 At sa ganitong pagkahanda ng mga bagay na ito, sa unang tabernakulo ay palaging nagsisipasok ang mga saserdote, na tinutupad ang mga katungkulan; 7 Datapuwa't sa ikalawa ay pumapasok na nagiisa ang dakilang saserdote, minsan sa isang taon, na hindi walang dalang dugo, na inihahandog na patungkol sa kaniyang sarili, at sa mga kamalian ng bayan: 8 Na ipinakikilala ng Espiritu Santo, na hindi pa naihahayag ang pagpasok sa dakong banal samantalang natatayo pa ang unang tabernakulo; 9 Na yao'y isang talinghaga ng panahong kasalukuyan; ayon dito ay inihahandog ang mga kaloob at ang mga hain, tungkol sa budhi, na hindi magpapasakdal sa sumasamba, 10 Palibhasa'y palatuntunan lamang na ukol sa laman, na iniatang hanggang sa panahon ng pagbabago (gaya ng mga pagkain, at mga inumin at sarisaring paglilinis).