25 At sila'y nagbalik pagkatiktik sa lupain, sa katapusan ng apat na pung araw. 26 At sila'y nagsiyaon at nagsiparoon kay Moises, at kay Aaron at sa buong kapisanan ng mga anak ni Israel, sa ilang ng Paran, sa Cades; at kanilang binigyang sagot sila, at ang buong kapisanan, at kanilang ipinakita sa kanila ang bunga ng lupain. 27 At kanilang isinaysay sa kaniya, at sinabi, Kami ay dumating sa lupaing yaong pinaparoonan mo sa amin, at tunay na binubukalan ng gatas at pulot; at ito ang bunga niyaon. 28 Gayon man ang bayan na tumitira sa lupaing yaon ay malakas, at ang mga bayan ay nakukutaan, at napakalalaki: at saka aming nakita ang mga anak ni Anac doon. 29 Si Amalec ay tumatahan sa lupain ng Timugan: at ang Hetheo, at ang Jebuseo, at ang Amorrheo ay tumatahan sa mga bundok: at ang Cananeo ay tumatahan sa tabi ng dagat, at sa mga pangpang ng Jordan.
30 At pinatahimik ni Caleb ang bayan sa harapan ni Moises, at sinabi, Ating akyating paminsan, at ating ariin; sapagka't kaya nating lupigin. 31 Nguni't sinabi ng mga lalaking nagsiakyat na kasama niya, Hindi tayo makaaakyat laban sa bayan; sapagka't sila'y malakas kay sa atin. 32 At sila'y nagdala ng masamang balita tungkol sa lupaing kanilang tiniktikan, sa mga anak ni Israel, na sinasabi, Ang lupain na aming pinaroonan upang tiktikan ay isang lupain na kinakain ang mga tumatahan doon; at lahat ng bayan na aming nakita roon, ay mga taong malalaki. 33 At doo'y aming nakita ang mga Nefilim, ang mga anak ni Anac, na mula sa mga Nefilim: at kami sa aming sariling paningin ay naging parang mga balang, at gayon din kami sa kanilang paningin.