Final Instructions and Benediction

1 Thessalonians 5

12 Datapuwa't ipinamamanhik namin sa inyo, mga kapatid, na inyong kilalanin ang nangagpapagal sa inyo, at nangamumuno sa inyo sa Panginoon, at nangagpapaalaala sa inyo; 13 At inyong lubos na pakamahalin sila sa pagibig, dahil sa kanilang gawa. Magkaroon kayo-kayo ng kapayapaan. 14 At aming ipinamamanhik sa inyo, mga kapatid, na inyong paalalahanan ang mga manggugulo, palakasin ang mga mahihinang-loob, alalayan ang mga mahihina, at maging mapagpahinuhod kayo sa lahat. 15 Tingnan nga ninyo na huwag gumanti ang sinoman ng masama sa masama; nguni't sundin ninyong lagi ang mabuti, ang isa'y sa iba, at sa lahat. 16 Mangagalak kayong lagi; 17 Magsipanalangin kayong walang patid; 18 Sa lahat ng mga bagay ay magpasalamat kayo; sapagka't ito ang kalooban ng Dios kay Cristo tungkol sa inyo. 19 Huwag ninyong patayin ang ningas ng Espiritu; 20 Huwag ninyong hamakin ang mga panghuhula; 21 Subukin ninyo ang lahat ng mga bagay, ingatan ninyo ang mabuti; 22 Layuan ninyo ang bawa't anyo ng masama.

23 At pakabanalin kayong lubos ng Dios din ng kapayapaan; at ang inyong espiritu at kaluluwa at katawan ay ingatang buo, na walang kapintasan sa pagparito ng ating Panginoong Jesucristo. 24 Tapat yaong sa inyo'y tumatawag, na gagawa rin naman nito.

25 Mga kapatid, idalangin ninyo kami.

26 Batiin ninyo ang lahat ng mga kapatid ng banal na halik.

27 Idinadaing ko sa inyo alangalang sa Panginoon na basahin sa lahat ng mga kapatid ang sulat na ito.

28 Ang biyaya ng ating Panginoong Jesucristo ay sumainyo nawa.

Next Book Next Book