Paul's Longing to See Them Again

1 Thessalonians 2

17 Nguni't kami, mga kapatid, na nangahiwalay sa inyong sangdaling panahon, sa katawan hindi sa puso, ay nangagsisikap na lubha, upang makita ang inyong mukha na may dakilang pagnanais: 18 Sapagka't nangagnasa kaming pumariyan sa inyo, akong si Pablo, na minsan at muli; at hinadlangan kami ni Satanas. 19 Sapagka't ano ang aming pagasa, o katuwaan, o putong, na ipinagmamapuri? Hindi baga kayo rin sa harapan ng ating Panginoong Jesucristo sa kaniyang pagparito? 20 Sapagka't kayo ang aming kaluwalhatian at aming katuwaan.

1 Thessalonians 3

1 Kaya't nang hindi na kami mangakatiis, ay minagaling naming maiwang nangagiisa sa Atenas; 2 At aming sinugo si Timoteo, na aming kapatid at ministro ng Dios sa evangelio ni Cristo, upang kayo'y kaniyang patibayin at aliwin, tungkol sa inyong pananampalataya; 3 Upang ang sinoma'y huwag mabagabag sa pamamagitan ng mga kapighatiang ito; sapagka't kayo rin ang nangakaaalam na itinalaga kami sa bagay na ito. 4 Sapagka't sa katotohanan, nang kami ay kasama ninyo ay aming sinabi nang una sa inyo na kami ay mangagbabata ng kapighatian; gaya nga na nangyari, at nalalaman ninyo. 5 Dahil dito naman, nang hindi ko na matiis pa, ako'y nagsugo upang matalastas ko ang inyong pananampalataya, baka sa anomang paraan kayo'y nangatukso ng manunukso, at ang aming pagpapagal ay mawalan ng kabuluhan.

Next Book Next Book