1 Bukod dito, mga kapatid, ay ipinatatalastas namin sa inyo ang biyaya ng Dios na ipinagkaloob sa mga iglesia ng Macedonia; 2 Kung paanong sa maraming pagsubok sa kapighatian ang kasaganaan ng kanilang katuwaan at ang kanilang malabis na karukhaan ay sumagana sa kayamanan ng kanilang kagandahang-loob. 3 Sapagka't ayon sa kanilang kaya, ay nagpapatotoo ako at higit pa sa kanilang kaya, ay nagsiabuloy sila sa sariling kalooban, 4 Na lubhang ipinamamanhik sa amin ang tungkol sa biyayang ito at sa pakikisama sa pangangasiwa ng mga abuloy sa mga banal: 5 At ito, ay hindi ayon sa aming inaasahan, kundi ibinigay muna nila ang kanilang sarili sa Panginoon, at sa amin sa pamamagitan ng kalooban ng Dios. 6 Ano pa't namanhik kami kay Tito, na yamang siya'y nagpasimula nang una, ay siya na rin ang gumanap sa inyo ng biyayang ito. 7 Datapuwa't yamang kayo'y nagsisisagana sa lahat ng mga bagay, sa pananampalataya, at pananalita, at kaalaman, at sa buong kasipagan, at sa inyong pagibig sa amin ay magsisagana naman kayo sa biyayang ito.
8 Hindi ako nangungusap na tulad sa naguutos, kundi gaya ng sumusubok sa pamamagitan ng kasipagan ng iba ang katapatan naman ng inyong pagibig. 9 Sapagka't nalalaman ninyo ang biyaya ng ating Panginoong Jesucristo, na, bagaman siya'y mayaman, gayon ma'y nagpakadukha dahil sa inyo, upang sa pamamagitan ng kaniyang karukhaan ay magsiyaman kayo. 10 At sa ganito'y ibinibigay ko ang aking pasiya: sapagka't ito'y nararapat sa inyo, na naunang nangagpasimula na may isang taon na, hindi lamang sa paggawa, kundi naman sa pagnanais. 11 Datapuwa't ngayo'y tapusin din naman ninyo ang paggawa; upang kung paanong nagkaroon ng sikap ng pagnanais, ay gayon din namang magkaroon ng pagkatapos ayon sa inyong kaya. 12 Sapagka't kung may sikap, ay tinatanggap ayon sa tinataglay, hindi ayon sa di tinataglay. 13 Sapagka't hindi ko sinasabi ito upang ang mga iba ay magaanan at kayo'y mabigatan; 14 Kundi ayon sa pagkakapantay-pantay: ang inyong kasaganaan ay naging abuloy sa panahong ito sa kanilang kakulangan, upang ang kanilang kasaganaan naman ay maging abuloy sa inyong kailangan; upang magkaroon ng pagkakapantaypantay. 15 Gaya ng nasusulat, Ang nagtipon ng marami ay hindi naglabis; at ang nagtipon ng kaunti ay hindi kinulang.