11 Yamang nalalaman nga ang pagkatakot sa Panginoon, ay aming hinihikayat ang mga tao, nguni't kami ay nangahahayag sa Dios; at inaasahan ko na kami ay nangahayag din naman sa inyong mga budhi. 12 Hindi namin ipinagkakapuring muli ang aming sarili sa inyo, kundi binibigyan namin kayo ng dahilan na ikaluluwalhati ninyo dahil sa amin, upang kayo'y mangagkaroon ng maisasagot sa mga nagpapaluwalhati sa anyo, at hindi sa puso. 13 Sapagka't kung kami ay maging mga ulol, ay para sa Dios; o maging kami ay mahinahon ang pagiisip, ay para sa inyo. 14 Sapagka't ang pagibig ni Cristo ay pumipilit sa amin; sapagka't ipinasisiya namin ang ganito, na kung ang isa ay namatay dahil sa lahat, kung gayo'y lahat ay nangamatay; 15 At siya'y namatay dahil sa lahat, upang ang nangabubuhay ay huwag nang mabuhay pa sa kanilang sarili, kundi doon sa namatay dahil sa kanila at muling nabuhay.
16 Kaya nga mula ngayon ay hindi namin nakikilala ang sinoman ayon sa laman: bagama't nakilala namin si Cristo ayon sa laman, nguni't sa ngayo'y hindi na namin nakikilala siyang gayon. 17 Kaya't kung ang sinoman ay na kay Cristo, siya'y bagong nilalang: ang mga dating bagay ay nagsilipas na; narito, sila'y pawang naging mga bago. 18 Datapuwa't ang lahat ng mga bagay ay pawang sa Dios, na pinakipagkasundo tayo sa kaniya rin sa pamamagitan ni Cristo, at ibinigay sa amin ang ministerio sa pagkakasundo; 19 Sa makatuwid baga'y, na ang Dios kay Cristo ay pinakipagkasundo ang sanglibutan sa kaniya rin, na hindi ibinibilang sa kanila ang kanilang mga kasalanan, at ipinagkatiwala sa amin ang salita ng pagkakasundo. 20 Kami nga'y mga sugo sa pangalan ni Cristo, na waring namamanhik ang Dios sa pamamagitan namin: kayo'y pinamamanhikan namin sa pangalan ni Cristo, na kayo'y makipagkasundo sa Dios. 21 Yaong hindi nakakilala ng kasalanan ay kaniyang inaring may sala dahil sa atin: upang tayo'y maging sa kaniya'y katuwiran ng Dios.
1 At yamang kalakip niyang gumagawa ay ipinamamanhik din namin sa inyo na huwag ninyong tanggapin ang biyaya ng Dios na walang kabuluhan.
2 (Sapagka't sinasabi niya, Sa panahong ukol kita'y pinakinggan, At sa araw ng pagliligtas kita'y sinaklolohan: Narito, ngayon ang panahong ukol; narito, ngayon ang araw ng kaligtasan): 3 Na di nagbibigay ng kadahilanang ikatitisod sa anoman, upang ang aming ministerio ay huwag mapulaan; 4 Datapuwa't sa lahat ng mga bagay ay ipinagkakapuri namin ang aming sarili, gaya ng mga ministro ng Dios, sa maraming pagtitiis, sa mga kapighatian, sa mga pangangailangan, sa mga paghihinagpis, 5 Sa mga latay, sa mga pagkabilanggo, sa mga kaguluhan, sa mga gawa, sa mga pagpupuyat, sa mga pagaayuno; 6 Sa kalinisan, sa kaalaman, sa pagpapahinuhod, sa kagandahang-loob, sa Espiritu Santo, sa pagibig na hindi pakunwari, 7 Sa salita ng katotohanan, sa kapangyarihan ng Dios; sa pamamagitan ng mga sandata ng katuwiran sa kanan at sa kaliwa, 8 Sa pamamagitan ng karangalan at ng kasiraang puri, sa pamamagitan ng masamang ulat at ng mabuting ulat; gaya ng mga magdaraya gayon ma'y mga mapagtapat; 9 Waring hindi mga kilala, gayon ma'y mga kilalang mabuti; tulad sa nangaghihingalo, at narito, kami ay nangabubuhay; gaya ng mga pinarurusahan, at hindi pinapatay; 10 Tulad sa nangalulungkot, gayon ma'y laging nangagagalak; tulad sa mga dukha, gayon ma'y nangagpapayaman sa marami; gaya ng walang anomang pag-aari, gayon ma'y mayroon ng lahat ng mga bagay.
11 Ang aming bibig ay bukas para sa inyo, Oh mga taga Corinto, ang aming puso ay lumalaki. 12 Hindi kayo nangakasisikip sa amin, kundi nangasisikipan kayo sa inyong sariling pagibig. 13 Kaya nga bilang ganti sa gayong bagay (nangungusap akong gaya sa aking mga anak), ay mangagsilaki naman kayo.