12 Sapagka't ang aming pagmamapuri ay ito, ang pagpapatotoo ng aming budhi, ayon sa kabanalan at pagtatapat sa Dios, hindi ayon sa karunungan ng laman, kundi sa biyaya ng Dios, na kami'y nagugali ng gayon sa sanglibutan at lalong sagana pa nga sa inyo. 13 Sapagka't hindi namin kayo sinusulatan ng ibang mga bagay, maliban na sa inyong binabasa, o kinikilala, at umaasa ako na inyong kikilalanin hanggang sa katapusan: 14 Gaya naman ng inyong bahagyang pagkilala sa amin, na kami'y inyong kapurihan, gayon din naman kayo'y sa amin, sa araw ng Panginoong si Jesus.
15 At sa pagkakatiwalang ito ay ninasa kong pumariyan muna sa inyo, upang kayo'y mangagkaroon ng pangalawang pakinabang; 16 At magdaan sa inyo na patungo sa Macedonia, at muling buhat sa Macedonia ay magbalik sa inyo, at nang tulungan ninyo ako sa paglalakbay ko sa Judea. 17 Nang nasain ko nga ang ganito, ako baga kaya ay nagatubili? o ang mga bagay na ninasa ko, ay mga ninasa ko baga ayon sa laman, upang magkaroon sa akin ng oo, oo, at ng hindi, hindi? 18 Nguni't palibhasa'y ang Dios ay tapat, ang aming salita sa inyo ay di oo at hindi. 19 Sapagka't ang Anak ng Dios, si Jesucristo, na ipinangaral namin sa inyo, ako at si Silvano at si Timoteo, hindi naging oo at hindi, kundi sa kaniya ay naging oo. 20 Sapagka't maging gaano man ang mga pangako ng Dios, ay nasa kaniya ang oo: kaya nga naman na sa kaniya ang Siya Nawa sa ikaluluwalhati ng Dios sa pamamagitan namin. 21 Ngayon, siya na ang nagpapatibay sa amin na kasama ninyo kay Cristo, at nagpahid sa atin, ay ang Dios, 22 Na siyang nagtatak naman sa atin, at nagbigay ng patotoo ng Espiritu sa ating mga puso.
23 Datapuwa't ang Dios ang tinatawag kong maging saksi sa aking kaluluwa, na upang huwag kayong papagdamdamin ay hindi muna ako napariyan sa Corinto. 24 Hindi sa kami ay may pagkapanginoon sa inyong pananampalataya, kundi kami ay mga tagatulong sa inyong katuwaan: sapagka't sa pananampalataya kayo'y nangagsisitatag.
1 Datapuwa't ito'y ipinasiya ko sa aking sarili, na hindi na ako muling paririyan sa inyo na may kalumbayan. 2 Sapagka't kung kayo'y palulumbayin ko, sino nga ang sa akin ay magpapagalak, kundi yaong pinalulumbay ko? 3 At aking isinulat ang bagay ring ito, upang pagdating ko ay huwag akong magkaroon ng kalumbayan doon sa mga nararapat kong ikagalak; sa pagkakatiwala sa inyong lahat, na ang aking kagalakan ay kagalakan ninyong lahat. 4 Sapagka't sa malaking kapighatian at hapis ng puso ay sinulatan ko kayo na may maraming luha; hindi upang kayo'y palumbayin, kundi upang inyong makilala ang pagibig kong napakasagana sa inyo.