12 Kung si Cristo nga'y ipinangangaral na siya'y muling binuhay sa mga patay, bakit ang ilan sa inyo ay nagsisipagsabi na walang pagkabuhay na maguli ng mga patay? 13 Datapuwa't kung walang pagkabuhay na maguli ng mga patay, ay hindi rin nga muling binuhay si Cristo: 14 At kung si Cristo'y hindi muling binuhay, ay walang kabuluhan nga ang aming pangangaral, wala rin namang kabuluhan ang inyong pananampalataya. 15 Oo, at kami ay nasusumpungang mga saksing bulaan tungkol sa Dios; sapagka't aming sinasaksihan tungkol sa Dios, na kaniyang muling binuhay si Cristo; na hindi siyang muling nabuhay, kung tunay nga ang mga patay ay hindi muling binubuhay. 16 Sapagka't kung hindi muling binubuhay ang mga patay, ay hindi rin nga muling binuhay si Cristo: 17 At kung si Cristo ay hindi muling binuhay, ang inyong pananampalataya ay walang kabuluhan kayo'y nasa inyong mga kasalanan pa. 18 Kung gayon nga, ang mga nangatutulog din naman kay Cristo ay pawang nangapahamak. 19 Kung sa buhay lamang na ito tayo nagsisiasa kay Cristo, ay tayo sa lahat ng mga tao ang lalong kahabaghabag.
20 Datapuwa't si Cristo nga'y muling binuhay sa mga patay na siya ay naging pangunahing bunga ng nangatutulog. 21 Sapagka't yamang sa pamamagitan ng tao'y dumating ang kamatayan, sa pamamagitan din naman ng tao'y dumating ang pagkabuhay na maguli sa mga patay. 22 Sapagka't kung paanong kay Adam ang lahat ay nangamamatay, gayon din naman kay Cristo ang lahat ay bubuhayin. 23 Datapuwa't ang bawa't isa'y sa kaniyang sariling katayuan; si Cristo ang pangunahing bunga; pagkatapos ay ang mga kay Cristo, sa kaniyang pagparito. 24 Kung magkagayo'y darating ang wakas, pagka ibibigay na niya ang kaharian sa Dios, sa makatuwid baga'y sa Ama; pagka lilipulin na niya ang lahat ng paghahari, at lahat ng kapamahalaan at kapangyarihan. 25 Sapagka't kinakailangang siya'y maghari hanggang mailagay niya sa ilalim ng kaniyang mga talampakan ang lahat niyang mga kaaway. 26 Ang kahulihulihang kaaway na lilipulin ay ang kamatayan. 27 Sapagka't kaniyang pinasuko ang lahat ng mga bagay sa ilalim ng kaniyang paa. Datapuwa't kung sinasabi, ang lahat ng mga bagay ay pinasuko, ay maliwanag na itinangi yaong nagpasuko ng lahat ng mga bagay sa kaniya. 28 At kung ang lahat ng mga bagay ay mapasuko na sa kaniya, kung magkagayo'y ang Anak rin ay pasusukuin naman sa nagpasuko ng lahat ng mga bagay sa kaniya, upang ang Dios ay maging lahat sa lahat.
29 Sa ibang paraan, anong gagawin ng mga binabautismuhan dahil sa mga patay? Kung ang mga patay ay tunay na hindi muling binubuhay, bakit nga sila'y binabautismuhan dahil sa kanila? 30 Bakit baga naman tayo'y nanganganib bawa't oras? 31 Ipinahahayag ko alangalang sa ikaluluwalhati ninyo, mga kapatid, na taglay ko kay Cristo Jesus na Panginoon natin na araw-araw ay nasa panganib ng kamatayan ako. 32 Kung ako'y nakipagbaka sa Efeso laban sa mga ganid, ayon sa kaugalian ng tao, ano ang pakikinabangin ko? Kung ang mga patay ay hindi muling binubuhay, magsikain at magsiinom tayo yamang bukas tayo'y mangamamatay. 33 Huwag kayong padaya: Ang masasamang kasama ay sumisira ng magagandang ugali. 34 Gumising kayo ng ayon sa katuwiran, at huwag mangagkasala; sapagka't may mga ibang walang pagkakilala sa Dios: sinasabi ko ito upang kayo'y kilusin sa kahihiyan.