1 Sundin ninyo ang pagibig; gayon ma'y maningas ninyong pakanasain ang mga kaloob na ayon sa espiritu, nguni't lalo na ang kayo'y mangakapanghula. 2 Sapagka't ang nagsasalita ng wika ay hindi sa mga tao nagsasalita, kundi sa Dios; sapagka't walang nakauunawa sa kaniya; kundi sa espiritu ay nagsasalita ng mga hiwaga. 3 Datapuwa't ang nanghuhula ay nagsasalita sa mga tao sa ikatitibay, at sa ikapangangaral, at sa ikaaaliw. 4 Ang nagsasalita ng wika, ay nagpapatibay sa sarili; nguni't ang nanghuhula ay nagpapatibay sa iglesia. 5 Ibig ko sanang kayong lahat ay mangagsalita ng mga wika, datapuwa't lalo na ang kayo'y magsipanghula: at lalong dakila ang nanghuhula kay sa nagsasalita ng mga wika, maliban na kung siya'y magpapaliwanag upang ang iglesia ay mapagtibay.
6 Ngayon nga, mga kapatid, kung ako'y pumariyan sa inyo na nagsasalita ng mga wika, anong inyong pakikinabangin sa akin, maliban na kung kayo'y pagsalitaan ko sa pamamagitan ng pahayag, o ng kaalaman, o ng panghuhula, o ng aral? 7 Kahit ang mga bagay na walang buhay, na nagsisitunog, maging plauta, o alpa, kundi bigyan ng pagkakaiba ang mga tunog, paanong malalaman kung ano ang tinutugtog sa plauta o sa alpa? 8 Sapagka't kung ang pakakak ay tumunog na walang katiyakan, sino ang hahanda sa pakikibaka? 9 Gayon din naman kayo, kung hindi ipinangungusap ninyo ng dila ang mga salitang madaling maunawaan, paanong matatalos ang inyong sinasalita? sapagka't sa hangin kayo magsisipagsalita. 10 Halimbawa, mayroon ngang iba't ibang mga tinig sa sanglibutan, at walang di may kahulugan. 11 Kung hindi ko nga nalalaman ang kahulugan ng tinig, magiging barbaro ako sa nagsasalita, at ang nagsasalita ay magiging barbaro sa akin. 12 Gayon din naman kayo, na yamang kayo'y mapagsikap sa mga kaloob na ayon sa espiritu ay pagsikapan ninyong kayo'y magsisagana sa ikatitibay ng iglesia.
13 Kaya't ang nagsasalita ng wika ay manalangin na siya'y makapagpaliwanag. 14 Sapagka't kung ako'y nananalangin sa wika, ay nananalangin ang aking espiritu, datapuwa't ang aking pagiisip ay hindi namumunga. 15 Ano nga ito? Mananalangin ako sa espiritu, at mananalangin din naman ako sa pagiisip: aawit ako sa espiritu, at aawit din naman ako sa pagiisip. 16 Sa ibang paraan, kung ikaw ay nagpupuri sa espiritu, ang nasa kalagayan ng di marunong, paanong siya'y makapagsasabi ng Siya nawa, sa iyong pagpapasalamat, palibhasa'y hindi nalalaman ang inyong sinasabi? 17 Sapagka't ikaw sa katotohanan ay nagpapasalamat kang mabuti, datapuwa't ang iba'y hindi napapagtibay. 18 Nagpapasalamat ako sa Dios, na ako'y nagsasalita ng mga wika na higit kay sa inyong lahat: 19 Nguni't sa iglesia ibig ko pang magsalita ng limang salita ng aking pagiisip, upang makapagturo ako naman sa iba, kay sa magsalita ng sangpung libong salita sa wika.
20 Mga kapatid, huwag kayong mangagpakabata sa pagiisip; gayon ma'y sa kahalayan ay mangagpakasanggol kayo, datapuwa't sa pagiisip kayo'y mangagpakatao. 21 Sa kautusan ay nasusulat, sa pamamagitan ng mga taong may iba't ibang wika, at sa pamamagitan ng mga labi ng mga taga ibang lupa ay magsasalita ako, sa bayang ito: at gayon ma'y hindi ako pakikinggan nila, ang sabi ng Panginoon. 22 Kaya nga ang mga wika ay pinaka tanda, hindi sa mga nagsisisampalataya; kundi sa mga hindi nagsisisampalataya; nguni't ang panghuhula ay hindi sa mga hindi nagsisisampalataya, kundi sa mga nagsisisampalataya. 23 Kung ang buong iglesia nga'y magkatipon sa isang dako at lahat ay mangagsalita ng mga wika, at mangagsipasok ang mga hindi marurunong o hindi mga nagsisisampalataya, hindi baga nila sasabihing kayo'y mga ulol? 24 Datapuwa't kung ang lahat ay nagsisipanghula, at may pumasok na isang hindi sumasampalataya, o hindi marunong, mahihikayat siya ng lahat, masisiyasat siya ng lahat; 25 Ang mga lihim ng kaniyang puso ay nahahayag; at sa gayo'y magpapatirapa siya at sasamba sa Dios, na sasabihing tunay ngang ang Dios ay nasa gitna ninyo.