25 Ngayon, tungkol sa mga dalaga ay wala akong utos ng Panginoon: nguni't ibinibigay ko ang aking pasiya, na tulad sa nagkamit ng habag ng Panginoon upang mapagkatiwalaan. 26 Inaakala ko ngang mabuti ito dahil sa kasalukuyang kahapisan, sa makatuwid baga'y mabuti ngang ang tao'y manatili ng ayon sa kaniyang kalagayan. 27 Natatali ka ba sa asawa? huwag mong pagsikapang ikaw ay makakalag. Ikaw baga'y kalag sa asawa? huwag kang humanap ng asawa. 28 Nguni't kung ikaw ay magasawa, ay hindi ka nagkakasala; at kung ang isang dalaga ay magasawa, ay hindi siya nagkakasala. Datapuwa't ang mga gayon ay magkakaroon ng kahirapan sa laman: at ibig ko sanang kayo'y iligtas. 29 Nguni't sinasabi ko ito, mga kapatid, ang panahon ay pinaikli, upang mula ngayon ang mga lalaking may asawa ay maging mga tulad sa wala; 30 At ang mga nagsisiiyak, ay maging tulad sa mga hindi nagsisiiyak; at ang nangagagalak, ay maging tulad sa hindi nangagagalak; at ang mga nagsisibili, ay maging tulad sa mga walang inaari; 31 At ang mga nagsisigamit ng sanglibutan, ay maging tulad sa hindi nangagpapakalabis ng paggamit: sapagka't ang kaasalan ng sanglibutang ito ay lumilipas.
32 Datapuwa't ang ibig ko ay mawalan kayo ng kabalisahan. Ang walang asawa ay nagsusumakit sa mga bagay ng Panginoon, kung paanong makalulugod sa Panginoon: 33 Nguni't ang may asawa ay nagsusumakit sa mga bagay ng sanglibutan, kung paanong makalulugod sa kaniyang asawa, 34 At nagkakabahagi ang isipan. Gayon din naman ang babaing walang asawa at ang dalaga, ay nagsusumakit sa mga bagay ng Panginoon, upang siya'y maging banal sa katawan at sa espiritu man; nguni't ang babaing may asawa ay nagsusumakit sa mga bagay ng sanglibutan, kung paanong makalulugod sa kaniyang asawa. 35 At ito'y sinasabi ko sa inyong sariling kapakinabangan; hindi upang alisin ko ang inyong kalayaan, kundi dahil sa bagay na nararapat, at upang kayo'y makapaglingkod sa Panginoon nang walang abala.
36 Nguni't kung iniisip ng sinomang lalake na hindi siya gumagawa ng marapat sa kaniyang anak na dalaga, kung ito'y sumapit na sa kaniyang katamtamang gulang, at kung kailangan ay sundin niya ang kaniyang maibigan, hindi siya nagkakasala; bayaang mangagasawa sila. 37 Subali't ang nananatiling matibay sa kaniyang puso, na walang kailangan, kundi may kapangyarihan tungkol sa kaniyang sariling kalooban, at pinasiyahan sa kaniyang sariling puso na ingatan ang kaniyang sariling anak na dalaga, ay mabuti ang gagawin. 38 Kaya nga ang nagpapahintulot sa kaniyang anak na dalaga na magasawa ay gumagawa ng mabuti; at ang hindi nagpapahintulot na siya'y magasawa ay gumagawa ng lalong mabuti.
39 Ang babaing may asawa ay natatalian samantalang nabubuhay ang kaniyang asawa; nguni't kung patay na ang kaniyang asawa, ay may kalayaan siyang makapagasawa sa kanino mang ibig niya; sa kalooban lamang ng Panginoon. 40 Nguni't lalong maligaya siya kung manatili ng ayon sa kaniyang kalagayan, ayon sa aking akala: at iniisip ko na ako'y may Espiritu rin naman ng Dios.