1 At tungkol sa mga bagay na isinulat ninyo sa akin: Mabuti sa lalake ay huwag humipo sa babae. 2 Datapuwa't, dahil sa mga pakikiapid, ang bawa't lalake ay magkaroon ng kaniyang sariling asawa, at bawa't babae ay magkaroon ng kaniyang sariling asawa. 3 Ibigay ng lalake sa asawa ang sa kaniya'y nararapat: at gayon din naman ang babae sa asawa. 4 Ang babae ay walang kapangyarihan sa kaniyang sariling katawan, kundi ang asawa: at gayon din naman ang lalake ay walang kapangyarihan sa kaniyang sariling katawan, kundi ang asawa. 5 Huwag magpigil ang isa't isa, maliban kung pagkasunduan sa ilang panahon, upang kayo'y mamalagi sa pananalangin, at muling kayo'y magsama, baka kayo'y tuksuhin ni Satanas dahil sa inyong kawalan ng pagpipigil.
6 Nguni't ito'y sinasabi ko na parang payo, hindi sa utos. 7 Kaya't ibig ko sana, na ang lahat ng tao ay maging gaya ko. Nguni't ang bawa't tao'y mayroong kanikaniyang kaloob na mula sa Dios, ang isa'y ayon sa paraang ito, at ang iba'y ayon sa paraan yaon.
8 Datapuwa't sinasabi ko sa mga walang asawa, at sa mga babaing bao, Mabuti sa kanila kung sila'y magsipanatiling gayon sa makatuwid baga'y gaya ko. 9 Nguni't kung sila'y hindi makapagpigil, ay magsipagasawa: sapagka't magaling ang magasawa kay sa mangagningas ang pita.
10 Datapuwa't sa mga may asawa ay aking ipinaguutos, Nguni't hindi ako, kundi ang Panginoon, na ang babae ay huwag humiwalay sa kaniyang asawa. 11 (Datapuwa't kung siya'y humiwalay, ay manatiling walang asawa, o kaya'y makipagkasundo sa kaniyang asawa); at huwag hiwalayan ng lalake ang kaniyang asawa.
12 Datapuwa't sa iba, ay ako ang nagsasabi, hindi ang Panginoon: Kung ang sinomang kapatid na lalake ay may asawang hindi sumasampalataya, at kung kalooban niyang makipamahay sa kaniya, ay huwag niyang hiwalayan. 13 At ang babaing may asawang hindi sumasampalataya, at kalooban niyang makipamahay sa kaniya, ay huwag niyang hiwalayan ang kaniyang asawa. 14 Sapagka't ang lalaking hindi sumasampalataya ay nagiging banal sa pamamagitan ng kaniyang asawa, at ang babaing hindi sumasampalataya ay nagiging banal sa pamamagitan ng kaniyang asawa: sa ibang paraa'y ang inyong mga anak ay nangagkaroon ng kapintasan; nguni't ngayo'y mga banal. 15 Gayon ma'y kung humiwalay ang hindi sumasampalataya, ay bayaan siyang humiwalay: ang kapatid na lalake o kapatid na babae ay hindi natatali sa mga ganitong bagay: kundi sa kapayapaan kayo tinawag ng Dios. 16 Sapagka't paanong malalaman mo, Oh babae, kung maililigtas mo ang iyong asawa? o paanong malalaman mo, Oh lalake, kung maililigtas mo ang iyong asawa?