18 Sapagka't ang salita ng krus ay kamangmangan sa kanila na nangapapahamak; nguni't ito'y kapangyarihan ng Dios sa atin na nangaliligtas.
19 Sapagka't nasusulat, Iwawalat ko ang karunungan ng marurunong, At isasawala ko ang kabaitan ng mababait.
20 Saan naroon ang marunong? saan naroon ang eskriba? saan naroon ang mapagmatuwid sa sanglibutang ito? hindi baga ginawa ng Dios na kamangmangan ang karunungan ng sanglibutan? 21 Sapagka't yamang sa karunungan ng Dios ay hindi nakilala ng sanglibutan ang Dios sa pamamagitan ng kaniyang karunungan, ay kinalugdan ng Dios na iligtas ang mga nagsisipanampalataya sa pamamagitan ng kamangmangan ng pangangaral. 22 Ang mga Judio nga ay nagsisihingi ng mga tanda, at ang mga Griego ay nagsisihanap ng karunungan: 23 Datapuwa't ang aming ipinangangaral ay ang Cristo na napako sa krus, na sa mga Judio ay katitisuran, at sa mga Gentil ay kamangmangan; 24 Nguni't sa kanila na mga tinawag, maging mga Judio at mga Griego, si Cristo ang kapangyarihan ng Dios, at ang karunungan ng Dios. 25 Sapagka't ang kamangmangan ng Dios ay lalong marunong kay sa mga tao; at ang kahinaan ng Dios ay lalong malakas kay sa mga tao.
26 Sapagka't masdan ninyo ang sa inyo'y pagkatawag, mga kapatid, na hindi ang maraming marurunong ayon sa laman, hindi ang maraming may kapangyarihan, hindi ang maraming mahal na tao ang mga tinawag: 27 Kundi pinili ng Dios ang mga bagay na kamangmangan ng sanglibutan, upang hiyain niya ang mga marurunong; at pinili ng Dios ang mga bagay na mahihina ng sanglibutan, upang hiyain niya ang mga bagay na malalakas; 28 At ang mga bagay na mababa ng sanglibutan, at ang mga bagay na hinamak, ang pinili ng Dios, oo at ang mga bagay na walang halaga upang mawalang halaga ang mga bagay na mahahalaga: 29 Upang walang laman na magmapuri sa harapan ng Dios. 30 Datapuwa't sa kaniya kayo'y nangasa kay Cristo Jesus, na sa atin ay ginawang karunungang mula sa Dios, at katuwiran at kabanalan, at katubusan: 31 Na, ayon sa nasusulat, Ang nagmamapuri, ay magmapuri sa Panginoon.