3 Sapagka't sinasabi ko, sa pamamagitan ng biyaya na sa akin ay ibinigay, sa bawa't tao sa inyo, na huwag magisip sa kaniyang sarili ng totoong matayog kay sa nararapat niyang isipin; kundi magisip na may kahinahunan, ayon sa kasukatan ng pananampalataya na ibinahagi ng Dios sa bawa't isa. 4 Sapagka't kung paanong sa isang katawan ay mayroong tayong maraming mga sangkap, at ang lahat ng mga sangkap ay hindi pareho ang gawain: 5 Ay gayon din tayo, na marami, ay iisang katawan kay Cristo, at mga sangkap na samasama sa isa't isa. 6 At yamang may mga kaloob na nagkakaibaiba ayon sa biyaya na ibinigay sa atin, kung hula, ay manganghula tayo ayon sa kasukatan ng ating pananampalataya; 7 O kung ministerio, ay gamitin natin ang ating sarili sa ating ministerio; o ang nagtuturo, ay sa kaniyang pagtuturo; 8 O ang umaaral, ay sa kaniyang pagaral: ang namimigay, ay magbigay na may magandang-loob; ang nagpupuno, ay magsikap; ang nahahabag ay magsaya.