1 O hindi baga ninyo nalalaman mga kapatid (sapagka't nagsasalita ako sa mga taong nakakaalam ng kautusan), na ang kautusan ay naghahari sa tao samantalang siya'y nabubuhay? 2 Sapagka't ang babae na may asawa ay itinali ng kautusan sa asawa samantalang ito ay nabubuhay; datapuwa't kung ang asawa'y mamatay, ay kalag na sa kautusan ng asawa. 3 Kaya nga kung, samantalang nabubuhay ang asawa, siya'y makikisama sa ibang lalake, siya'y tatawaging mangangalunya: datapuwa't kung mamatay ang asawa, ay laya na siya sa kautusan, ano pa't siya'y hindi na mangangalunya, bagaman siya'y makisama sa ibang lalake.
4 Gayon din naman, mga kapatid ko, kayo'y nangamatay rin sa kautusan sa pamamagitan ng katawan ni Cristo; upang kayo'y makisama sa iba, sa makatuwid baga'y doon sa nabuhay na maguli, upang tayo'y magsipagbunga sa Dios. 5 Sapagka't nang tayo'y nangasa laman, ang mga pitang salarin na pawang sa pamamagitan ng kautusan, ay nagsigawa sa ating mga sangkap upang magsipagbunga sa kamatayan. 6 Datapuwa't ngayon tayo'y nangaligtas sa kautusan, yamang tayo'y nangamatay doon sa nakatatali sa atin; ano pa't nagsisipaglingkod na tayo sa panibagong espiritu, at hindi sa karatihan ng sulat.