9 Ano nga? tayo baga'y lalong mabuti kay sa kanila? Hindi, sa anomang paraan: sapagka't ating kapuwa isinasakdal na muna ang mga Judio at ang mga Griego, na silang lahat ay nangasa ilalim ng kasalanan;
10 Gaya ng nasusulat, Walang matuwid, wala, wala kahit isa; 11 Walang nakatatalastas, Walang humahanap sa Dios; 12 Silang lahat ay nagsilihis, magkakasamang nawalan ng kasaysayan; Walang gumagawa ng mabuti, wala, wala kahit isa: 13 Ang kanilang lalamunan ay isang libingang bukas; Nagsigamit ng daya sa pamamagitan ng kanilang mga dila: Ang kamandag ng mga ulupong ang siyang nasa ilalim ng kanilang mga labi: 14 Ang kanilang bibig ay puno ng panunumpa at ng kapaitan: 15 Ang kanilang mga paa ay matulin sa pagbububo ng dugo; 16 Kagibaan at kahirapan ang nasa kanilang mga daan; 17 At ang daan ng kapayapaan ay hindi nila nakilala; 18 Walang pagkatakot sa Dios sa harap ng kanilang mga mata.
19 Ngayon ay nalalaman natin na ang anomang sinasabi ng kautusan, yaon ay sinasabi sa nangasa ilalim ng kautusan; upang matikom ang bawa't bibig, at ang buong sanglibutan ay mapasa ilalim ng hatol ng Dios: 20 Sapagka't sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan ay walang laman na aariing-ganap sa paningin niya; sapagka't sa pamamagitan ng kautusan ay ang pagkakilala ng kasalanan.