Paul in Rome

Acts 28

17 At nangyari, na nang makaraan ang tatlong araw ay tinipon niya yaong mga pangulo sa mga Judio: at nang sila'y mangagkatipon na, ay sinabi niya sa kanila, Ako, mga kapatid, bagaman wala akong ginawang anoman laban sa bayan, o sa mga kaugalian ng ating mga magulang, ay ibinigay akong bilanggo buhat sa Jerusalem sa mga kamay ng mga taga Roma: 18 Na, nang ako'y kanilang masulit na, ay ibig sana nila akong palayain, sapagka't wala sa aking anomang kadahilanang marapat sa kamatayan. 19 Datapuwa't nang magsalita laban dito ang mga Judio, ay napilitan akong maghabol hanggang kay Cesar; hindi dahil sa mayroon akong anomang sukat na maisakdal laban sa aking bansa. 20 Sanhi sa dahilang ito tinawag ko kayo upang makipagkita at makipagusap sa akin: sapagka't dahil sa pagasa ng Israel ay nagagapos ako ng tanikalang ito. 21 At sinabi nila sa kaniya, Kami'y hindi nagsitanggap ng mga sulat na galing sa Judea tungkol sa iyo, ni naparito man ang sinomang kapatid na magbalita o magsalita ng anomang masama tungkol sa iyo. 22 Datapuwa't ibig naming marinig sa iyo kung ano ang iyong iniisip: sapagka't tungkol sa sektang ito'y talastas naming sa lahat ng mga dako ay laban dito ang mga salitaan.

23 At nang mataningan na nila siya ng isang araw, ay nagsiparoon ang lubhang marami sa kaniyang tinutuluyan; at sa kanila'y kaniyang ipinaliwanag ang bagay, na sinasaksihan ang kaharian ng Dios, at sila'y hinihikayat tungkol kay Jesus, sa pamamagitan ng kautusan ni Moises at gayon din sa pamamagitan ng mga propeta, buhat sa umaga hanggang sa gabi. 24 At ang mga iba'y nagsipaniwala sa mga bagay na sinabi, at ang mga iba'y hindi nagsipaniwala. 25 At nang sila'y hindi mangagkaisa, ay nangagsialis pagkasabi ni Pablo ng isang salita, Mabuti ang pagkasalita ng Espiritu Santo sa pamamagitan ng propeta Isaias sa inyong mga magulang,

26 Na sinasabi, Pumaroon ka sa bayang ito, at sabihin mo, Sa pakikinig ay inyong mapapakinggan, at sa anomang paraa'y hindi ninyo mapaguunawa; At sa pagtingin ay inyong makikita, at sa anomang paraa'y hindi ninyo mamamalas: 27 Sapagka't kumapal ang puso ng bayang ito, At mahirap na makarinig ang kanilang mga tainga, At kanilang ipinikit ang kanilang mga mata; Baka sila'y mangakakita ng kanilang mga mata, At mangakarinig ng kanilang mga tainga, At mangakaunawa ng kanilang puso, At muling mangagbalik-loob, At sila'y aking pagalingin.

28 Maging hayag nawa sa inyo, na ang kaligtasang ito ng Dios ay ipinadala sa mga Gentil: sila'y makikinig naman. 29 At nang masabi na niya ang mga salitang ito'y nagsialis ang mga Judio, at sila-sila'y nangagtatalong mainam.

30 At tumahan si Pablo na dalawang taong ganap sa kaniyang tahanang inuupahan, at tinatanggap ang lahat ng sa kaniya'y nagsisipagsadya, 31 Na ipinangangaral ang kaharian ng Dios, at itinuturo ang mga bagay na nauukol sa Panginoong Jesucristo ng buong katapangan, wala sinomang nagbabawal sa kaniya.

Next Book Next Book