1 At nang ipasiya na kami ay lalayag na patungo sa Italia, ay ibinigay nila si Pablo at ang iba pang mga bilanggo sa isang senturion na nagngangalang Julio, sa pulutong ni Augusto. 2 At sa paglulan namin sa isang daong Adrameto, na palayag sa mga dakong nasa baybayin ng Asia, ay nagsitulak kami, na kasama namin si Aristarco na isang taga Macedonia mula sa Tesalonica. 3 At nang sumunod na araw ay nagsidaong kami sa Sidon: at pinagpakitaan ni Julio ng magandang-loob si Pablo, at pinahintulutan siyang pumaroon sa kaniyang mga kaibigan, at siya'y magpakaginhawa. 4 At nang kami'y magsitulak buhat doon, ay nagsilayag kami na nagsipanganlong sa Chipre, sapagka't pasalunga ang hangin. 5 At nang matawid na namin ang dagat na nasa tapat ng Cilicia at Pamfilia, ay nagsirating kami sa Mira, na isang bayan ng Licia. 6 At nasumpungan doon ng senturion ang isang daong Alejandria na lumalayag na patungo sa Italia; at inilulan niya kami roon. 7 At nang makapaglayag na kaming marahan nang maraming mga araw, at may kahirapan kaming nakarating sa tapat ng Gnido, na hindi kami tinulutan ng hanging makasulong pa, ay nagsilayag kami na nagsipanganlong sa Creta, sa tapat ng Salmon; 8 At sa pamamaybay namin dito na may kahirapan ay nagsidating kami sa isang dako na tinatawag na Mabubuting Daongan; na malapit doon ang bayan ng Lasea.
9 At nang magugol na ang mahabang panahon, at mapanganib na ang paglalayag, sapagka't nakalampas na ang Pagaayuno, ay pinamanhikan sila ni Pablo, 10 At sa kanila'y sinabi, Mga ginoo, nakikita ko na ang paglalayag na ito ay makapipinsala at magiging malaking kapahamakan, hindi lamang sa lulan at sa daong, kundi naman sa ating mga buhay. 11 Datapuwa't may higit pang paniwala ang senturion sa piloto at sa may-ari ng daong, kay sa mga bagay na sinalita ni Pablo. 12 At sapagka't hindi bagay hintuan sa tagginaw ang daongan, ay ipinayo ng karamihan na tumulak mula roon, at baka sakaling sa anomang paraan ay makarating sila sa Fenix, at doon huminto sa tagginaw; na yao'y daungan ng Creta, na nasa dakong hilagang-silanganan at timugang-silanganan.