17 Datapuwa't nagtindig ang dakilang saserdote, at ang lahat ng kasama niya (na siyang sekta ng mga Saduceo), at sila'y nangapuspos ng kainggitan, 18 At kanilang sinunggaban ang mga apostol, at kanilang inilagay sila sa bilangguang bayan. 19 Datapuwa't nang gabi na ay binuksan ng isang anghel ng Panginoon ang mga pintuan ng bilangguan, at sila'y inilabas, at sinabi, 20 Magsihayo kayo, at magsitayo kayo sa templo, at sabihin ninyo sa bayan ang lahat ng mga salita ng Buhay na ito.
21 At nang marinig nila ito, ay nagsipasok sila sa templo nang magbubukang liwayway, at nangagturo. Datapuwa't dumating ang dakilang saserdote, at ang mga kasamahan niya, at pinulong ang sanedrin, at ang buong senado sa mga anak ni Israel, at nagpautos sa bilangguan upang sila'y dalhin doon. 22 Datapuwa't ang mga punong kawal na nagsiparoon ay hindi sila nangasumpungan sa bilangguan; at sila'y nangagbalik, at nangagbigay alam, 23 Na sinasabi, Aming naratnang totoong mabuti ang pagkalapat ng bilangguan, at nangakatayo sa mga pintuan ang mga bantay: datapuwa't ng aming mabuksan, wala kaming nasumpungang sinoman sa loob. 24 Nang marinig nga ang mga salitang ito ng puno sa templo, at ng mga pangulong saserdote, ay nangalitong totoo tungkol sa mga ito kung ano ang magiging wakas niyaon. 25 At may dumating na isa at nagsabi sa kanila, Narito, ang mga lalaking ibinilanggo ninyo ay nangakatayo sa templo at nangagtuturo sa bayan. 26 Nang magkagayo'y naparoon ang pangulo na kasama ang mga punong kawal, at sila'y dinalang hindi sa pilitan: sapagka't nangatatakot sa bayan, baka sila'y batuhin.
27 At nang kanilang mangadala sila, ay kanilang iniharap sa Sanedrin. At tinanong sila ng dakilang saserdote, 28 Na sinasabi: Ibinala naming mahigpit sa inyo na huwag kayong mangagturo sa pangalang ito: at narito, pinuno ninyo ang Jerusalem ng inyong aral, at ibig ninyong iparatang sa amin ang dugo ng taong ito. 29 Datapuwa't nagsisagot si Pedro at ang mga apostol at nangagsabi, Dapat muna kaming magsitalima sa Dios bago sa mga tao. 30 Ibinangon ng Dios ng ating mga magulang si Jesus, na siya ninyong pinatay, na ibinitin sa isang punong kahoy. 31 Siya'y pinadakila ng Dios ng kaniyang kanang kamay upang maging Principe at Tagapagligtas, upang magbigay ng pagsisisi sa Israel, at kapatawaran ng mga kasalanan. 32 At kami'y mga saksi ng mga bagay na ito; at gayon din ang Espiritu Santo, na siyang ibinigay ng Dios sa nagsisitalima sa kaniya.
33 Datapuwa't sila, nang kanilang marinig ito, ay nangasugatan sa puso, at nangagpasiyang sila'y patayin. 34 Datapuwa't nagtindig sa Sanedrin ang isang Fariseo, na nagngangalang Gamaliel, doktor sa kautusan, na pinapupurihan ng buong bayan, at nagutos na ilabas na sandali ang mga tao. 35 At sinabi niya sa kanila, Kayong mga lalaking taga Israel, ay mangagingat kayo sa inyong sarili tungkol sa mga taong ito, kung ano ang inyong gagawin. 36 Sapagka't bago pa ng mga araw na ito ay lumitaw na si Teudas, na nagsabing siya'y dakila; at sa kaniya'y nakisama ang may apat na raang tao ang bilang: na siya'y pinatay; at ang lahat ng sa kaniya'y nagsisunod, ay pawang nagsipangalat at nangawalang kabuluhan. 37 Pagkatapos ng taong ito ay lumitaw si Judas na taga Galilea nang mga araw ng pagpapasulat, at nakahila siya ng marami sa bayan: siya'y nalipol rin; at ang lahat ng sa kaniya'y nagsisunod ay pawang nagsipangalat. 38 At ngayo'y sinasabi ko sa inyo, Huwag kayong mangakialam sa mga taong ito, at pabayaan ninyo sila: sapagka't kung ang pasiyang ito, o ang gawang ito ay sa mga tao, ay mawawasak: 39 Datapuwa't kung sa Dios, ay hindi ninyo maiwawasak; baka pa kayo'y mangasumpungan na nangakikihamok laban sa Dios. 40 At sila'y nagsisangayon sa kaniya: at pagkatawag nila sa mga apostol, ay pinalo nila at ibinala sa kanila na huwag silang mangagsalita sa pangalan ni Jesus, at sila'y pinawalan. 41 Sila nga'y nagsialis sa harapan ng Sanedrin, na nangatutuwang sila'y nangabilang na karapatdapat na mangagbata ng kaalimurahan dahil sa Pangalan. 42 At sa araw-araw, sa templo at sa mga bahay-bahay, ay hindi sila nagsisipagtigil ng pagtuturo at pangangaral, na si Jesus ang siyang Cristo.