23 At ang lupain ay hindi maipagbibili ng magpakailan man; sapagka't akin ang lupain: sapagka't kayo'y taga ibang bayan at makikipamayang kasama ko. 24 At sa buong lupain na iyong pag-aari ay magkakaloob kayo ng pangtubos sa lupain.
25 Kung ang iyong kapatid ay maghirap, at ipagbili ang anoman sa kaniyang pag-aari, ay paroroon ang kaniyang kamaganak na pinakamalapit sa kaniya, at tutubusin ang ipinagbili ng kaniyang kapatid. 26 At kung ang taong yaon ay walang manunubos, at siya'y yumaman at nakasumpong ng kasapatan upang matubos yaon; 27 Ay kaniyang bilangin ang mga taon pagkatapos na kaniyang naipagbili, at isasauli ang labis sa taong kaniyang pinagbilhan; at babalik siya sa kaniyang pag-aari. 28 Nguni't kung siya'y walang kasapatan, upang maibalik niya sa kaniya, ang ipinagbili ay matitira nga sa kapangyarihan ng bumili hanggang sa taon ng jubileo; at sa jubileo ay maaalis sa kapangyarihan niyaon, at ang may-ari ay babalik sa kaniyang pag-aari.
29 At kung ang isang tao ay magbili ng bahay na tahanan sa nakukutaang bayan ay matutubos niya sa loob ng isang buong taon pagkatapos na maipagbili; sapagka't isang buong taon ang kaniyang matuwid ng pagtubos. 30 At kung hindi matubos sa loob ng isang buong taon, ang bahay na nasa nakukutaang bayan ay lalagi magpakailan man, na pag-aari niyaong bumili, sa buong panahon ng kaniyang lahi: hindi maaalis sa kaniya sa jubileo. 31 Nguni't ang mga bahay sa mga nayon na walang kuta sa palibot, ay aariing para ng sa mga bukirin sa lupain: kanilang matutubos; at sa jubileo ay magsisialis. 32 Gayon ma'y sa mga bayan ng mga Levita, kailan ma'y maaaring matubos ng mga Levita ang mga bahay sa mga bayan ng kanilang pag-aari. 33 At kung ang isa sa mga Levita ay tumubos, ang bahay na ipinagbili at ang bayang kaniyang pag-aari, ay maaalis sa jubileo, sapagka't ang mga bahay sa mga bayan ng mga Levita ay kanilang pag-aari sa gitna ng mga anak ni Israel. 34 Datapuwa't ang mga bukid sa palibot ng mga bayan nila, ay hindi maipagbibili, sapagka't pag-aari nila magpakailan man.