22 At niyao'y kapistahan ng pagtatalaga sa Jerusalem: 23 Noo'y tagginaw; at naglalakad si Jesus sa templo sa portiko ni Salomon. 24 Nilibot nga siya ng mga Judio, at sa kaniya'y sinabi, Hanggang kailan mo pa baga pagaalinlanganin kami? Kung ikaw ang Cristo, ay sabihin mong maliwanag sa amin. 25 Sinagot sila ni Jesus, Sinabi ko sa inyo, at hindi kayo nagsisampalataya: ang mga gawang ginagawa ko sa pangalan ng aking Ama, ay siyang nangagpapatotoo sa akin. 26 Datapuwa't hindi kayo nagsisampalataya, sapagka't hindi kayo sa aking mga tupa. 27 Dinirinig ng aking mga tupa ang aking tinig, at sila'y aking nakikilala, at sila'y nagsisisunod sa akin: 28 At sila'y binibigyan ko ng walang hanggang buhay; at kailan ma'y hindi sila malilipol, at hindi sila aagawin ng sinoman sa aking kamay. 29 Ang aking Ama, na sa kanila ay nagbigay sa akin, ay lalong dakila kay sa lahat; at hindi sila maaagaw ninoman sa kamay ng Ama. 30 Ako at ang Ama ay iisa.
31 Nagsidampot uli ng mga bato ang mga Judio upang siya'y batuhin. 32 Sinagot sila ni Jesus, Maraming mabubuting gawa na mula sa Ama ang ipinakita ko sa inyo; alin sa mga gawang yaon ang ibinabato ninyo sa akin? 33 Sinagot siya ng mga Judio, Hindi dahil sa mabuting gawa ay binabato ka namin, kundi sa pamumusong; at sapagka't ikaw, bagaman ikaw ay tao, ay nagpapakunwari kang Dios. 34 Sinagot sila ni Jesus, Hindi baga nasusulat sa inyong kautusan, Aking sinabi, Kayo'y mga dios? 35 Kung tinawag niyang mga dios, yaong mga dinatnan ng salita ng Dios (at hindi mangyayaring sirain ang kasulatan), 36 Sinasabi baga ninyo tungkol sa kaniya, na pinabanal ng Ama at sinugo sa sanglibutan, Ikaw ay namumusong; sapagka't sinasabi ko, Ako ang anak ng Dios? 37 Kung hindi ko ginagawa ang mga gawa ng aking Ama, ay huwag ninyo akong sampalatayanan. 38 Datapuwa't kung ginagawa ko, ang mga yaon kahit hindi kayo magsisampalataya sa akin, ay magsisampalataya kayo sa mga gawa; upang maalaman ninyo at mapagunawa na ang Ama ay nasa akin, at ako'y nasa Ama. 39 Muling pinagsikapan nilang siya'y hulihin: at siya'y tumakas sa kanilang mga kamay.
40 At siya'y muling naparoon sa dako pa roon ng Jordan sa dako nang una'y pinagbautismuhan ni Juan; at siya'y tumira doon. 41 At marami ang mga nagsiparoon sa kaniya; at kanilang sinabi, Katotohanang si Juan ay hindi gumawa ng tanda: nguni't lahat ng mga bagay na sinalita ni Juan tungkol sa taong ito ay totoo. 42 At marami ang mga nagsisampalataya sa kaniya roon.